EX-COUNCILOR PATAY SA TAGA NG DATING EMPLEYADO

NEGROS ORIENTAL – Patay ang isang dating konsehal ng bayan ng Mabinay sa lalawigan, matapos tagain ng kanyang dating empleyado sa Barangay Paniabonan sa nasabing bayan, noong Martes ng umaga.

Hindi umabot nang buhay at idineklarang dead on arrival sa Medicare Community Hospital ang biktimang si Angelito Butoy Rosale, 68-anyos, dating Sangguniang Bayan member at residente ng Brgy. Lumbangan, Mabinay.

Ayon sa report ng Mabinay Police, dakong alas-9:00 ng umaga, sakay ng motorsiklo ang biktima sa national highway nang harangin ito at patigilin ng suspek na si Angelito Estil Brigula, 43, na kanyang dating tauhan.

Paghinto ng biktima, walang sabi-sabing pinagtataga ito ng suspek gamit ang isang itak na pantabas ng tubo.

Ayon sa pulisya, may personal na galit ang suspek sa biktima at napagalitan din ito ng dating konsehal, ilang araw bago nangyari ang krimen. Nahaharap ang suspek sa kasong murder.

(NILOU DEL CARMEN)

38

Related posts

Leave a Comment