EX-KAGAWAD ARESTADO SA MALVERSATION CASE

WALANG inirekomendang piyansa ang korte para sa isang 62-anyos na dating barangay kagawad ng Pagadian City, makaraang madakip sa bisa ng alias warrant of arrest, ng mga tauhan ng Manila Police District sa Roxas Boulevard noong Martes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Rogelio Carpentero, may asawa, at naninirahan sa Alapan II-A, Imus, Cavite.

Batay sa ulat ni Police Major Edward Samonte, hepe ng District Investigation Division II ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT), bandang alas-8:20 ng gabi nang bitbitin ng mga awtoridad ang suspek sa nasabing lugar.

Nabatid sa report ng pulisya, naaresto ang suspek sa pangunguna nina Police Major Dave Garcia, Deputy Chief ng SMaRT; Police Major Val Valencia, at Police Captain Edgar Julian, kasama ang grupo ng QCDIT- Regional Investigation Unit ng NCR, sa pangunguna ni Police Lieutenant Lester Avenio.

Makaraang inguso ng impormante ang pagpunta ng suspek sa lugar ay agad isinilbi ng mga awtoridad ang alias warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Dennis P. Vicoy, ng Regional Trial Court  Branch 20, Pagadian City, dahil sa kasong Malversation of Public Funds through Falsification of a Commercial Documents. (RENE CRISOSTOMO)

44

Related posts

Leave a Comment