F2F CLASSES SA BULACAN 3-DAY SUSPENDED

LUNGSOD NG MALOLOS – Pansamantalang isasailalim sa tatlong araw na online classes ang lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan ng Bulacan simula Abril 4-6, 2024 dahil sa mataas na heat index o temperatura.

Ipinaalala ni Gobernador Daniel R. Fernando sa mga Bulakenyo na uminom ng maraming tubig, magdala ng payong kapag lalabas, at magsuot ng kumportable at magaan na damit upang makaiwas sa heat emergencies katulad ng heat cramps, heat syncope, heat exhaustion, at heat stroke kasabay ng pagpalo ng heat index forecast sa 40°C.

“Kung posible, iwasan na po nating lumabas ng ating mga tahanan ng tanghaling tapat. Kung hindi naman maiiwasan na lumabas, gawin na lamang natin ang mga ito sa umaga o hapon kung kailan hindi pa tirik ang araw,” ayon sa gobernador.

Base sa dalawang araw na taya ng panahon na inilabas ng Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, maaaring umabot ang heat index sa kanilang istasyon sa Clark Airport (DMIA) sa Pampanga ng 39°C sa Abril 3 at 40°C sa Abril 4.

Samantala, ayon sa Provincial Health Office-Public Health, ang mga paunang lunas na maaaring ilapat sa mga taong nakararanas ng heat emergency ay ang paglilipat sa biktima sa malilim o malamig na lugar; pagtatanggal ng mga damit na dumaragdag sa init ng katawan; pagpaypay at pagtapat sa biktima sa electric fan; pagwisik ng tubig sa buong katawan; paglalagay ng ice packs sa pisngi, palad, at talampakan ng biktima; at pagdadala sa apektado sa pinakamalapit na primary care provider.

Ilan sa mga senyales at sintomas ng heat stroke dulot ng temperatura na lagpas 40°C, ang mainit, namumula, at tuyong balat; pagkawala ng malay, kombulsyon, at pagkawala sa sarili; pagkahilo, pananakit ng ulo, pagsusuka, pagduduwal; at pangangalay o pamumulikat ng kalamnan.

(ELOISA SILVERIO)

53

Related posts

Leave a Comment