FAILURE OF INTELLIGENCE? MADULAS LANG TALAGA SI QUIBOLOY – PNP

NILINAW ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na tuloy-tuloy ang isinasagawang law enforcement operation ng mga awtoridad laban sa puganteng lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Quiboloy, ang self-declared appointed son of God.

Ito ang naging reaksyon ng PNP sa naging pahayag ni Senator Risa Hontiveros na may ‘failure of intelligence’ sa hanay ng pambansang pulisya kaya hindi matukoy ang kinaroroonan ni Quiboloy.

Ayon kay PNP Public Information Office chief, Col. Jean Fajardo, tuloy-tuloy ang ginagawa nilang validation sa mga impormasyong natatanggap nila hinggil sa mga posibleng pinagtataguan ni Quiboloy.

Nilinaw pa ng PNP, hindi limitado sa Davao City ang ginagawang manhunt operation laban kay Quiboloy.

Magugunitang inihayag ni Senate Committee on Women Chairperson Senador Risa Hontiveros na posibleng may ‘failure of Intelligence’ sa hanay ng PNP kaya hindi madakip si Quiboloy.

Kaya’t muling nanawagan si Hontiveros kay PNP chief; General Rommel Francisco Marbil na doblehin ang pagkilos para sa agarang pag-aresto kay Quiboloy na inisyuhan ng tatlong warrants of arrest.

Sinasabing base sa lumabas na mga ulat, may 19 mamahaling high powered firearms si Quiboloy.

Tinuligsa rin ng senadora ang umano’y pagpapatumpik-tumpik ng PNP sa pagkansela sa lisensiya ng mga armas ni Quiboloy matapos kumalat ang mga litrato at video sa social media habang nagsasanay ang private army nito.

Iginiit ni Hontiveros, may private army si Quiboloy na handang kumilos upang protektahan ang lider ng Kingdom of Jesus Christ.

Sinabi pa ni Fajardo, base sa pakikipag-ugnayan nila sa Bureau of Immigration (BI), nananatili pa sa Pilipinas si Quiboloy.

(JESSE KABEL RUIZ)

50

Related posts

Leave a Comment