‘FOR RENT’ NA DRIVER TINUTUGIS SA PAGNANAKAW

CAVITE – Pinaghahanap ng Cavite Police ang isang 37-anyos na lalaki na inupahan na maging driver, makaraang tangayin ang tinatayang P159,000 halaga ng cellphone at mga alahas sa Tagaytay City noong Linggo ng madaling araw.

Kinilala ang suspek na si alyas “Mark” ng Brgy. Sineguelasan, Bacoor City, inireklamo ng pagnanakaw ng mga biktimang sina alyas “Michael”, 38, negosyante ng Tondo, Manila, at “Aljon”, 24, ng Las Piñas City.

Ayon sa ulat ni Police Master Sergeant Joseph Ryan D. Bascugin ng Tagaytay City Police Station, inupahan ang suspek ng isang alyas “Ann”, kapatid ni Michael, upang magmaneho ng kotse para sa kanila ng tatlong araw sa isang dinaluhan na kasalan sa Purok 74, Looban, Brgy. Kaybagal North, Tagaytay City.

Ngunit sa ikatlong araw, nang magising si Aljon dakong alas-3:30 ng madaling araw ay napansin niyang nawawala ang kanyang cellphone na nagkakahalaga ng P7,000, at hindi na rin mahagilap ang suspek na kasama nito sa kuwarto na natulog.

Nalaman din ni Michael na nawawala rin ang kanyang itim na Coach sling bag (P15,000) kung saan naroroon ang kanyang driver’s license, National ID, at National ID ng kanyang live-in partner, 25g gold necklace (P80,000), RealMe cellular phone (P20,000), Samsung A73 (P27,000) at Invicta wrist watch (P10,000), na nakalagay sa kanyang kotse.

May kabuuang halaga na P159,000 ang natangay ng nasabing suspek.

(SIGFRED ADSUARA)

21

Related posts

Leave a Comment