HAMON SA DOJ: QUIBOLOY IMBESTIGAHAN

HINAMON ng kinatawan ng kababaihan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang kasong isinampa laban kay Kingdom of Jesus Christ Founder at may-ari Sonshine Media Network International (SMNI) na si Apollo Quiboloy.

Ginawa ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang nasabing panawagan sa ahensyang pinamumunuan ni Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla matapos lumabas sa pagdinig ng Senado ang mga pang-aabuso ni Quiboloy sa kababaihan sa KOJC kasama na ang dalawang Ukrainian nationals.

“Yung pumupusturang ‘Appointed Son of God’, kampon pala ni Satanas. Ilang taon na ang lumipas, wala pa ring nagiging aksyon ang gobyerno para mapanagot si Quiboloy sa kanyang mga krimen laban sa kababaihan at mga bata,” ani Brosas.

Hindi aniya dapat palagpasin ng DOJ ang mga ganitong kaso dahil kung hindi ay marami pang mabibiktima umano si Quiboloy.

“Noong administrasyon ni Duterte, pinalusot itong si Quiboloy sa kanyang mga krimen dahil malapit siya sa Pangulo. Hanggang ngayon ba, palakasan pa rin? Dapat agad na maglunsad ng imbestigasyon ang DOJ lalo na sa mga aktibidad ni Quiboloy dito sa Pilipinas,” ayon sa mambabatas.

Hindi aniya katanggap-tanggap na kahit wala na si Duterte sa kapangyarihan ay hindi pa rin maimbestigahan si Quiboloy at mapanagot sa kanyang mga nagawang krimen sa kababaihan sa KOJC.

Noong December 13, 2022 ay inihain ni Brosas ang House Resolution 644 para imbestigahan si Quiboloy matapos itong isyuhan ng arrest warrant ng Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa mga kasong child sex trafficking at iba pa.

Gayunpaman, hindi nagkaroon ng imbestigasyon ang Kamara sa hindi malamang kadahilanan at tanging ang Senado ang nag-iimbestiga ngayon bagaman hindi pa rin humaharap si Quiboloy.

“Dapat paharapin mismo si Quiboloy at wag siyang hayaang pagtaguan ang samu’t saring krimen na kanyang ginawa laban sa kababaihan. We stand with the victims of Quiboloy and urge the government to initiate an inquiry into his activities in the Philippines. Agad dapat na magbigay ng legal assistance ang gobyerno sa mga biktima at tulungan sila na makamit ang hustisya,” ayon pa kay Brosas.

(BERNARD TAGUINOD)

96

Related posts

Leave a Comment