MAHIGIT 3K DAYUHAN, HINDI PINAPASOK SA PHL NOONG 2023

INANUNSYO ng Bureau of Immigration na umabot sa 3,359 na mga dayuhan ang hinarang at pinagbawalang makapasok sa Pilipinas dahil sa pagiging hindi kanais-nais at walang kaukulang legal na mga dokumento.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco, kung hahayaang makapasok ang nasabing mga dayuhan, malaki ang posibilidad na maging problema sila ng gobyerno at ng mga Pilipino.

“Bilang gatekeepers ng ating bansa, may tungkulin ang aming mga opisyales na tiyakin na tanging mga dayuhan na may lehitimong pakay sa kanilang pagbiyahe ang bibigyan ng pribilehiyo na makabisita sa bansa. Hindi welcome sa Pilipinas ang mga illegal alien at mga takas sa batas,” giit ni Tansingco.

Kabilang sa mga dayuhang napauwi ay ang mga dati nang nakatala sa blacklist ng BI, registered sex offenders (RSOs), mga wanted sa batas, at mga nambabastos sa immigration officers.

Ilan lamang sa kanila ang walang sapat na mga dokumento, tulad ng mga bigong magpakita ng visa o hindi makabili ng return tickets.

Sa istadistika, pinakamaraming hinarang na mga dayuhan sa Ninoy

Aquino International Airport Terminal 3, sa bilang na 1,603; kasunod ang NAIA 1 (1,157); NAIA 2 (211); Mactan (187), at Clark (143).

(JOCELYN DOMENDEN)

26

Related posts

Leave a Comment