Hindi ang Amerika – PCG spokesperson PROVOCATIVE, ILLEGAL ACTION NG CHINA NAGDUDULOT NG TENSYON

BINIGYANG-DIIN ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, nagdudulot ng tensyon sa maritime area ang “provocative at illegal” action ng China laban sa barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) at hindi ang pagkakasangkot ng United States sa agawan ng teritoryo sa pagitan ng Manila at Beijing.

Ang pahayag ni Tarriela ay kasabay ng babala sa publiko laban sa salaysay ng pro-China na pinapalaganap umano ng “trolls” online.

“I often find myself wondering why the pro-China trolls consistently blame the US for the tension in the WPS, without acknowledging that it is the PRC [People’s Republic of China] that is using water cannons against our PCG vessels and supply boats, endangering the lives of our troops, and harassing our Filipino fishermen,” saad ni Tarriela sa post sa X (formerly Twitter).

Hindi pa sumasagot ang gobyerno ng China sa mga sinabi kamakailan ni Tarriela ngunit paulit-ulit na binalaan ng Chinese Embassy sa Pilipinas at ng Chinese Ministry of Foreign Affairs (MOFA) ang Maynila laban sa pagiging “pawn” para pukawin ang gulo sa South China Sea.

Si Tarriela ay naging napaka-vocal sa pagkontra sa “misinformation at disinformation” na pumapalibot sa territorial row sa pagitan ng Pilipinas at China sa WPS.

Ayon kay Tarriela, ang salaysay na ang Pilipinas ay madadala sa digmaan sa China at ang mga katulad na argumento ay mga halimbawa ng red-herring fallacy, isang premise na may pagtatangka na i-redirect ang isang pag-uusap mula sa orihinal nitong paksa sa pamamagitan ng pagpapakilala ng isang walang kaugnayang piraso ng impormasyon na nakagagambala sa mambabasa o tagapakinig,

“It attempts to divert public attention from the real issue at hand, which is China’s blatant violation of international law,” sabi ni Tarriela.

Sinabi pa ni Tarriela, ang desisyon ng gobyerno na pahusayin ang kooperasyong panseguridad sa US at iba pang “katulad na pag-iisip na estado” ay hinimok ng pambansang interes.

“The goal is to establish a robust alliance of countries that will collectively condemn and counter China’s actions that undermine the rules-based international order. It is essential to understand that the tension in the West Philippine Sea is not caused by the United States,” sabi pa ni Tarriela .

Nagpahayag naman ng pag-aalala sa kanilang pagdalo sa historic trilateral summit, ang tatlong lider na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Washington, tungkol sa mapanganib at agresibong pag-uugali ng China sa South China Sea at nangakong makikipagtulungan sa pagsuporta sa isang “malaya at bukas” na rehiyong Indo-Pacific.

(JOCELYN DOMENDEN)

34

Related posts

Leave a Comment