Hindi nasibak lahat MAY CHINESE AUXILIARIES PA SA PCG – SOLON

POSIBLENG may natitira pang Chinese nationals sa Auxiliary Force Corps ng Philippine Coast Guard (PCG).

Duda ito ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kaya hiniling nito sa PCG na i-terminate o alisin ang lahat ng Chinese nationals na posibleng nabigyan ng National Security Clearance para maging miyembro ng AFC.

“Apparently, doon sa binanggit ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, patuloy pa rin ang investigation nila. Maaaring may mga naiiwan doon na Auxiliary members na hindi Filipino or Chinese ang kanilang nationality,” ani Barbers sa isang panayam.

Noong Disyembre 2023, 36 Chinese nationals ang tinanggal ng PCG dahil wala umanong national security clearance.

Kailangan aniyang tanggalin muna ng PCG ang lahat ng mga dayuhang ito kahit mayroon silang national clearance upang hindi tuluyang makompromiso ang seguridad ng bansa lalo na’t umiinit ang tensyon ngayon sa WPS.

Ang presensya aniya ng Chinese nationals sa PCG ay posibleng dahilan kaya lahat ng galaw ng ahensya sa WPS ay alam ng Chinese Coast Guard.

Posible aniyang may akses ang mga ito sa mga impormasyon dahil matataas ang ranggo ng mga ito na katumbas ng Brigadier General.

“Ito ang nakita kong na-validate sa information na iyan na pagka-nagre-resupply ang ating Coast Guard dyan sa Ayungin Shoal, doon sa ating BRP Sierra Madre, nagugulat sila dahil sinasalubong na sila ng Chinese Coast Guard,” ani Barbers.

Ipinaliwanag ng mambabatas na karaniwang confidential ang misyon ng PCG sa Ayungin shoal subalit dahil posibleng napasukan ng Chinese spy kaya alam ng China ang kanilang mga galaw at misyon.

(BERNARD TAGUINOD)

35

Related posts

Leave a Comment