INA, 2 PANG KAANAK PATAY SA PANANAGA NG AMOK

BOHOL – Patay ang ina at dalawa pang kaanak nang biglang magwala at managa ang isang lalaki sa Brgy. Calvario, sa bayan ng Lila sa lalawigan noong Huwebes ng umaga.

Bukod sa tatlong napatay na mga biktima, tatlo pang kapamilya ng suspek ang nasugatan sa insidente.

Kinilala ang dalawa sa mga napatay na sina Leonora Quimba, 70, ina ng suspek na agad nalagutan ng hininga sa lugar, at hipag nito na si Vevencia Quimba, 79, idineklara namang dead on arrival sa ospital.

Ayon kay Bohol Police Provincial Office Spokesperson Police Lt. Col. Norman Nuez, bigla na lamang nag-amok ang suspek na si Loreto Quimba, 37, at pinagtataga ang lahat ng mga taong makita sa labas ng kanilang bahay pasado alas-10:00 ng umaga.

Kabilang sa mga nasugatan na isinugod sa ospital sa Tagbilaran City sina Grace Roa, 39; Jessel Kahoy, 32; Annaliza Quimba, at Crispin Quimba, 82-anyos.

Gayunman, napag-alaman na isa sa kanila ang nalagutan na rin ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Nadamay rin at napatay ang isang aso sa pananaga ng suspek.

Nang magresponde ang mga pulis, tinangka ring atakehin ang mga ito ng suspek kaya pinaputukan ng mga awtoridad at nasugatan.

Tuluyang napigilan at nahuli ang suspek na dinala rin sa ospital dahil sa tama ng bala.

Ayon sa Bohol PPO, patuloy ang imbestigasyon sa pangyayari at inaalam ang mental state ng suspek.

Sinasabing may dati na itong karamdaman sa pag-iisip na pinaniniwalaang lumala dahil sa palaging pag-iinom ng alak.

Mahaharap ang suspek sa mga kasong multiple parricide at frustrated parricide.

(NILOU DEL CARMEN)

54

Related posts

Leave a Comment