SUMUGOD sa Batasan Pambansa Complex ang mga raliyesta na kontra sa Charter change (Cha-cha) at iginiit na hindi ito ang kailangan ng sambayanang Pilipino kundi kabuhayan, lupa, karapatan at kasarinlan.
Kahapon ay balik na ang sesyon ng Kongreso matapos ang mahigit isang buwang Christmas vacation at isa sa inaasahang pagkaabalahan ng mga ito ay ang pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Kabilang sa mga dumalo sa kilos protesta ang grupong Amihan na nagsabing hindi sagot ang Cha-cha sa matagal na panawagan resolbahin ang patong-patong na problema laluna ang usapin ng kawalang lupa, kabuhayan at matinding krisis na nararanasan sa buong bansa.
Ayon sa tagapangulo ng nasabing grupo na si Zenaida Soriano, lalong mawawalan ng pagkakataon ang mga magsasaka na magkaroon ng sariling lupa kapag binigyan ng 100% ownership ang mga dayuhan sa lupain sa Pilipinas.
“Kailangang magkaisa ang mga magsasaka at mamamayan para ilantad ang mga pakana ni Marcos at labanan ang Charter change. Sumama sa mga protesta para biguin ang ang mga panloloko nila sa mamamayan para suportahan ang charter change,” panawagan ni Soriano sa sambayanan.
“Dapat maging kritikal tayo lalupa’t wala namang maaasahan kay Marcos dahil pabor ang kanyang mga polisiya at programa sa mga dayuhan,” dagdag pa nito.
Foreign military bases dadagsa
Sinabi naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na kabilang sa posibleng amyendahan ang Article XVIII, Section 25 ng 1987 Constitution para alisin ang ban sa military bases ng ibang bansa sa Pilipinas.
“With Charter Change, the Marcos Jr. administration will be able to freely allow foreign bases from the US and other countries to enter the Philippines, compromising our national sovereignty,” ayon sa mambabatas.
Hindi na aniya kailangan ang isang tratado na aaprubahan ng Senado pagdating sa military bases kapag inamyendahan ang nasabing probisyon sa Saligang Batas basta gustuhin ng Pangulo tulad ng ginagawa niya ngayon.
Inihalimbawa ng mambabatas ang pagpayag ni Marcos na magdagdag ng military bases ang Estados Unidos sa Pilipinas gamit ang Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defence and Cooperation Agreement (EDCA) na kapwa niratipikahan ng Senado.
“Sabi ni Marcos Jr., bukas siya sa pagkakaroon ng Charter change. Nakita rin natin na sinimulan na niya ang pagpapahintulot ng mga panibagong base ng US sa iba’t ibang bahagi ng bansa at pagkakaroon ng mga panibagong tratado tulad ng Reciprocal Access Agreement sa Japan. Kaya hindi malabo na siya rin mismo ang nasa likod ng mga maniobra para sa Cha-cha,” ani Brosas.
(BERNARD TAGUINOD)
101