Klase sa lahat ng antas sinuspinde PANGIL, LAGUNA BINULABOG NG BOMB THREAT

SINUSPINDE nitong Martes ni Pangil, Laguna Mayor Gerald Aritao ang pasok sa lahat ng eskwelahan at munisipyo dahil sa bomb threat.

Sa post ng alkalde sa kanyang Facebook page dakong alas-9:00 ng umaga, sinabi nito na ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong mga paaralan sa buong bayan ng Pangil, ay sinususpinde dahil sa bomb threat.

Agad din itong humingi ng tulong sa Laguna Police Provincial Office para magpadala ng bomb squad at imbestigahan ang nangyaring bomb threat.

Samantala, sa panayam kay Corporal Chester Allan Dator, imbestigador ng Pangil Police, napag-alaman na dakong alas-7:30 ng umaga, nang isang estudyante ng Pangil Elementary School ang nakakuha ng isang printed message na may nakasulat na: “Sa loob ng ilang oras ay sasabog ang PES at ang ilang paaralan na nasasakupan ng Pangil”.

Agad itong ipinaabot sa pulisya na siyang nag-suggest na suspindehin muna ang lahat ng klase habang sila ay nag-iimbestiga.

Sa isa pang facebook post ni Mayor Aritao, dakong alas-11:45 ng umaga, nagbabala ito laban sa mga nagpapakalat ng maling balita o impormasyon patungkol sa nangyayaring bomb threat sa kanilang bayan.

Ito ay matapos maglabasan ang iba’t ibang mga impormasyon na nagsasabing may nakita na ngang bomba ang pulisya.

Ayon kay Aritao, wala pang nakikitang bomba o hindi totoong may nakitang bomba at naka-highest alert ang buong pwersa ng Pangil PNP, at LLPO sa insidente.

Ayon dito, iniimbestigahan na ang kanilang nakalap na mga screenshot mula sa iba’t ibang group chat ng General PTA at School PTA na nagpapakalat ng maling impormasyon.

Binantaan ng alkalde na kanilang kakasuhan ang sinomang mapatunayan na nagpapakalat ng maling balita o impormasyon tungkol sa bomb threat.

(NILOU DEL CARMEN)

63

Related posts

Leave a Comment