KONTRA SA SAMA-SAMANG BUDGET SA PAGKAIN, PATAY SA LAGARE

CAVITE – Dahil lamang sa pagtutol sa sama-samang budget sa pagkain, kamatayan ang sinapit ng isang 45-anyos na construction worker nang tagain sa leeg gamit ang isang lagare ng kanyang kasamahan sa trabaho sa Trece Martires City, noong Huwebes ng gabi.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Eddie “Bong” Abenido Vertodazo, 45, binata, construction worker at residente ng Brgy. Cabuco, Trece Martires City.

Naaresto naman sa follow-up operation ang suspek na si Tirso Montez 48, tubong Surigao del Sur, may asawa, isang mason/ carpenter at stay-in sa construction site barracks sa Lucky Prince Subd, Brgy. San Agustin, sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Larz Salem Celestino ng Trece Martires City Police, dakong alas-8:30 ng gabi nang mangyari ang insidente habang nag-iinuman ang biktima at suspek sa barracks sa construction site sa nabanggit na lugar.

Sa kalagitnaan ng kanilang inuman ay nagtalo ang dalawa na humantong sa mainitang pagtatalo hanggang sa kinuha ng suspek ang lagare at tinaga ang biktima na nagresulta sa agarang kamatayan nito.

“Kinausap ng suspek ang biktima na magsama-sama na lang silang tatlo sa pagba-budget ng pagkain pero hindi pumayag ang biktima kaya nagalit ang suspek kaya doon nagsimula ang kanilang pag-aaway” ayon kay Celestino.

Ayon pa kay Celestino, tatlo lamang sila sa lugar kung saan narinig ng kasamahan nila ang nasabing pagtatalo.

Matapos ang insidente, tumakas ang suspek at sumakay ng bus patungong Maynila subalit bumaba sa lugar ng Manggahan, sakop ng Dasmariñas City at muling bumalik at bumaba sa harapan ng City Hall ng Trece Martires City kung saan siya inaresto.

Ayon kay, P/Lt. Col. Jonathan Asnan, hepe ng Trece Martires City, ang suspek ay naaresto na rin sa kahalintulad na kaso noong Disyembre 29, 2021 sa Bulacan, Bulacan at may nakabinbing standing warrant of arrest sa kasong frustrated murder at parricide. (SIGFRED ADSUARA)

181

Related posts

Leave a Comment