LADY RIDER, 1 PANG DRIVER PINAGBABARIL SA CAVITE

CAVITE – Inoobserbahan sa pagamutan ang isang babaeng rider matapos pagbabarilin habang sakay ng kanyang motorsiklo sa Dasmariñas City noong Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktimang si alyas “Cathy”, nilalapatan ng lunas sa isang pagamutan sa Dasmariñas City, dahil sa tama ng bala mula sa ‘di pa kilalang suspek na tumakas matapos ang insidente.

Ayon sa ulat, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo habang binabagtas ang kahabaan ng Brgy. San Miguel 1, Dasmariñas City, nang tumigil ito sa panulukan ng nasabing lugar ngunit dumating ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ito dakong alas-10:30 ng gabi.

Samantala, nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya sa suspek sa pamamaril sa isang lalaki na natagpuang walang buhay sa loob ng isang sasakyan habang nakatigil sa gitna ng kalsada sa Imus City nitong Martes ng madaling araw.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng suspek na tumakas matapos ang insidente habang ang biktima ay kinilalang si alyas “Rey”, driver ng isang Ford Raptor pick-up na may plakang NGA 1035.

Ayon sa ulat, dakong alas-2:35 ng madaling araw nang nakatanggap ng tawag ang Police Community Precinct 7 ng Imus Component City Police hinggil sa isang sasakyan na nakatigil sa gitna ng kalsada sa Advincula Road, Brgy. Bucandala 4, Imus City, Cavite.

Nang magresponde ang mga pulis, nakita ang walang buhay na biktima sa loob ng sasakyan, at may tama ng bala sa dibdib.

(SIGFRED ADSUARA)

28

Related posts

Leave a Comment