LIFE IMPRISONMENT KAY NOVA PAROJINOG

Vice Mayor Nova Princess Parojinog

HINATULAN ng life imprisonment ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) si dating Ozamiz Vice Mayor Nova Princess Parojinog.

Batay sa 160-pahinang desisyon ni Judge Mitushealla R. Manzanero-Casiño ng Branch 228, walang dudang nagkasala sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang akusadong si Parojinog.

Bukod sa habambuhay na pagkakulong, inatasan din ang akusado na magbayad ng P500,000.00 o kalahating milyon bilang danyos.

Kasabay nito, inatasan ni Judge Casiño ang Jail Warden ng Taguig City Jail Female Dormitory na ilipat si Parojinog sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

Ipinag-utos na rin ng hukom ang nakumpiskang 677.6976 na gramo ng bawal na droga mula sa akusado ay ipaubaya sa pangangalaga ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa wastong disposal.

Sa record ng korte, noong July 30, 2017, sinalakay ng PNP -CIDG ang bahay ni Parojinog sa Barangay San Roque, Ozamis City.

Sa naturang raid, nakakuha ang mga otoridad ng 677.6976 gramo ng shabu.

Pinangunahan ni Col. Jovie Espenido, acting chief ng city police ang raid sa bahay ng Parojinog na ikinamatay ni Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog, hinihinalang pinuno ng sindikato ng krimen at droga.

(JULIET PACOT)

180

Related posts

Leave a Comment