WALANG CEASEFIRE SA KOMUNISTA – OPAPRU

WALANG pre-conditions at walang tigil-putukan na itinakda sa exploratory talks sa pagitan ng gobyerno at rebeldeng komunista.

Sinabi ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Presidential Assistant Wilben Mayor na ang exploratory talks ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ay bagong peace process at hindi pagpapatuloy ng mga nakalipas na pag-uusap.

“Ang pag-uusap na ito’y bago, walang pre-condition. Hindi natin nire-refer kung ano mang dating pinag-usapan. Bago po ito, hindi po ito tinatawag na resumption talks. Kundi bago. Lahat ng mga detalye, kung ano pang dapat pag-usapan ay sa susunod po na pagkikita po,” ayon kay Mayor.

Nilinaw pa ni Mayor na ang anti-insurgency operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang pagpapanatili ng peace and order ng Philippine National Police (PNP) ay magpapatuloy sa gitna ng exploratory talks.

“Ang bawat ahensya ng pamahalaan ay tuloy-tuloy, ang kanilang dapat gawin, wala pong dapat itigil dito at kagaya ng nabanggit ko kanina, this is a new discussion, a new dialogue, walang pre-condition at simula tayo sa isang bagong pag-uusap,” dagdag na wika nito.

Kamakailan ay kapwa sumang-ayon ang gobyerno ng Pilipinas at ang CPP-NPA-NDF sa “principled at peaceful resolution” ng armed-conflict at maging ng pagtatapos ng armed struggles at ang transpormasyon ng mga dating rebelde na nais na magbalik-loob sa batas.

Sa iba pang development, nanawagan naman si Mayor sa sambayanang Pilipino na ipagpatuloy lamang ang pagsuporta sa exploratory talks habang binibigyang diin na ang administrasyong Marcos ay mayroong purong intensyon nang lagdaan ng pamahalaan ang joint agreement at joint communiqué.

(CHRISTIAN DALE)

51

Related posts

Leave a Comment