MAINTENANCE CREW TIMBOG SA SEXTORTION

CAVITE – Nabitag sa ikinasang entrapment operation ang isang 23-anyos na maintenance crew na nanakot sa kanyang dating girlfriend na ipakakalat ang kanyang hubad na mga larawan at kanilang sex videos kung hindi siya makikipagkita sa suspek, sa Dasmariñas City noong Miyerkoles ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009; Art. 286 (Grave Coercion) ng RPC, at RA 11313, (The Safe Space Act) in relation to Section 6 ng RA 10175; at RA 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act), ang suspek na si alyas “Patrick”, 23, residente ng Brgy. Fatima, Dasmariñas City, dahil sa reklamo ng dati niyang kasintahan na si alyas “Kris”, 32, ng Noveleta, Cavite.

Ayon sa biktima, nagkaroon sila ng relasyon ng suspek at sa panahong iyon ay malayang nakakukuha ito ng kanyang hubad na mga larawan at videos ng kanilang pagtatalik.

Subalit nang maghiwalay sila, gumawa umano ng FB account ang suspek sa pangalan ng anak na lalaki ng biktima at in-upload ang hubad na mga larawan ni Kris at kanilang sex videos.

Tinakot umano ng suspek ang biktima na patuloy nitong ipakakalat ang kanyang mga litrato sa social media at kanilang videos kung hindi siya makikipagkita o makikipag-sex sa dating kasintahan.

Dahil dito, nagsumbong ang biktima sa mga awtoridad na nagsagawa ng entrapment operation at nagkunwang makikipagkita ang biktima sa isang apartelle sa Brgy. Salitran 2, Dasmariñas City dakong alas-6:30 ng gabi na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

(SIGFRED ADSUARA)

56

Related posts

Leave a Comment