MASTERMIND, 3 PA TIMBOG SA ‘PLANADONG HOLDAP’

SA tulong ng mamamayan, nabuslo ang apat na indibidwal, kabilang ang isang babae na umano’y mastermind, sa panghoholdap sa panulukan ng Andalucia at Malabon St., Sta. Cruz, Manila.

Nauna rito, patuloy ang 24/7 ‘sincere police presence’ ng mga tauhan ng Manila Police District – Sta. Cruz Police Station 3, kabilang si Police Major Arnold Echalar, hepe ng Alvarez PCP.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga awtoridad na may inilatag na “planadong” krimen ang mga suspek sa naturang lugar.

Bunsod nito, agad na kumilos ang mga tauhan ng PCP katuwang ang mga operatiba ng Follow-Up Unit ng PS3 na pinamumunuan naman ni Police Major Alexander Tenorio, deputy commander ng PS3, at nagsagawa ng follow-up operation at backtracking laban sa mga suspek.

Makaraan ang magdamagang pagbabantay, isa-isang nasakote ang apat na mga suspek at nabawi ang natangay na pera na nagkakahalaga ng P42,000, cellphone at alahas ng biktima.

Ayon sa ulat ni Major Echalar, pinahinto sa nasabing lugar ng mga suspek ang minamanehong sasakyan ng biktima at isinagawa ang

“planadong” panghoholdap sa negosyante.

Sa tulong ng mga opisyal ng barangay at mga residente ay agad nakilala ang mga suspek na nahagip ng CCTV, na ang isa ay anak umano ng isang barangay chairman sa Sta. Cruz, Manila.

Ayon naman sa mga suspek, inutos lamang umano ng kanilang mastermind na babae na kasama ng biktima sa loob ng sasakyan, ang nasabing panghoholdap.

Depensa naman ng babaeng mastermind, tanging cellphone lamang aniya ng biktima ang nais nitong ipakuha sa mga suspek dahil naglalaman ito ng kanyang maseselang larawan na isini-send aniya sa ibang tao.

Ito ay mariin namang itinanggi ng mga kasamahang suspek nito.

Lubos ang pasasalamat ng pamunuan ng MPD PS3, partikular ang Alvarez PCP, sa tulong ng komunidad at barangay sa matagumpay nilang operasyon.

Ito anila ay resulta ng pinalakas na ugnayan ng pulisya sa komunidad na direktiba nina MPD Director P/BGen. Andre P. Dizon at NCRPO Regional Director Police Major General Edgar Allan Okubo.

Patunay anila ito ng pagpapalakas ng presensya ng “Pulis sa Barangay” bilang pagtalima sa “Serbisyong Nagkakaisa” na programa ni CPNP Police Director General Benjamin Acorda Jr. (RENE CRISOSTOMO)

144

Related posts

Leave a Comment