MGA AWTORIDAD PINAKIKILOS LABAN SA MGA KARAHASAN SA BANSA

NASA 13 senador ang lumagda sa resolusyon na kumokondena sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, bukod sa kanya, lumagda sa resolusyon sina Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, Senators Joseph Victor “JV” Ejercito, Nancy Binay, Grace Poe, Rufino “Raffy” Tulfo, Juan Edgardo “Sonny” Angara, Ronald “Bato” Dela Rosa, Ramon “Bong” Revilla, Jr. Francis Tolentino, Sherwin Gatchalian, Senate President Pro Tempore Loren Legarda at Sen. Jinggoy Ejercito Estrada.

“Injustice and violence do not have a place in any civilized society and no cause justifies such brutalities against the lives of all persons,” saad sa resolusyon.

Hinihimok din ng mga senador sa resolusyon ang Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies na gawin ang lahat ng hakbangin upang papanagutin ang mga nasa likod ng krimen.

Pinakikilos din ng mga senador ang PNP upang matiyak ang kaligtasan ng lahat at siguruhing mareresolba ang mga karahasan at pagpatay, kabilang na ang mabilis, patas at episyenteng imbestigasyon at prosekusyon ng mga kaso.

Samantala, iginiit ni Poe na dapat matigil ang inilarawan niyang gangland-style ng pag-atake sa mga lokal na opisyal at mga sibilyan.

Sinabi ni Poe na dapat mas maging mabilis ang mga awtoridad upang maiwasang magkaroon ng panibagong biktima ang mga kriminal.

Ipinaalala naman ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na walang espasyo sa demokrasya ang mga karahasang tulad nito.

Nagpahayag din ng pakikidalamhati si Senador Imee Marcos sa pagpanaw ng gobernador na anya’y kasabay niya sa pagsusulong ng localized peace talks at matindi ang paninindigan para sa mga mangingisda.

Kinuwestyon naman ni Senador Bong Revilla ang mga awtoridad kung ano ang kanilang ginagawa upang matigil ang mga karahasan at iginiit na dapat itigil ang kanilang lipservice at tiyaking tutuldukan ang gawain ng mga kriminal na tila pinaglalaruan na lang ang batas. (DANG SAMSON-GARCIA)

168

Related posts

Leave a Comment