DEGAMO SLAY CASE: 10 PATAY

UMAKYAT na sa sampu ang bilang ng mga namatay sa malagim na Governor Roel Degamo slay case matapos na mapaslang ng pinagsanib na pwersa ng PNP Special Action Force, Philippine Army at PNP Region 7, ang isa sa mga suspek sa isinagawang hot pursuit operation.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Region 7 spokesperson Police Lt. Col. Gerard Ace Pelare, nasa siyam ang bilang ng mga namatay sa nangyaring pamamaril sa mismong tahanan ni Negros Oriental Governor Roel Degamo sa bayan ng Pamplona, na siyang pakay ng assassination squad na kinabibilangan ng dalawang dating sundalo ng Philippine Army.

Kinilala ang unang namatay na sina Roel Ragay Degamo – Provincial Governor; Jessie Bot-ay – civilian; Jose Marie Ramirez – barangay kagawad; Jomar Canseco – civilian driver; Crispin Vallega – civilian guard; Jerome Maquiling – civilian driver; Florenda Quinikito – barangay captain, Joseph Retada– civilian, at Michael Fabugais – civilian.

Una rito, kinumpirma ni Col. Xerxes Trinidad, tagapagsalita ng Hukbong Katihan, dalawa sa tatlong suspek sa pamamaril ay mga dating sundalo na tinanggal nila sa serbisyo dahil sa iba’t ibang kaso na kanilang kinasangkutan

Nabatid na bukod sa mga napaslang ay labing-tatlo pa ang malubhang nasugatan sa insidente habang apat ang outpatients.

Samantala, kasalukuyang inaalam ng binuong Special Investigation Task Group ang pangalan ng napaslang na suspek. Ayon kay Colonel Gerard Ace Pelare ng PNP-PRO7, hanggang ngayon hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng nasabing suspek.

Kasalukuyang sumasailalim naman sa custodial debriefing ang tatlong naarestong suspek at pagkatapos ng kanilang rebelasyon, ilang armas ang narekober ng mga awtoridad kabilang ang apat na assault rifles.

Kinilala ang mga suspek na sina Joric Labrador, 50; Joven Aber, 42; at Benjie Rodriguez, 45-anyos.

Nadakip sila sa hot pursuit ng mga awtoridad kamakalawa ng hapon sa Sitio Punong, Barangay Cansumalig sa Bayawan City Kung saan narekober din ang tatlong ginamit na getaway vehicles at mga armas na hinihinalang ginamit sa paglikida kay Gov. Degamo.

Kabilang sa mga armas ang apat na assault rifles, isang B40 RPG with 5 ammunitions, 4 Bandolier fully loaded with plates, 1 rifle case, 2 combat uniforms, 1 grey sweatshirt, 3 pairs combat shoes, isang caliber 5.56 with 6 magazines, dalawang magazine ng kalibre .45 na may 9 na bala, 177 caliber 5.56 mm cartridges rocket-propelled grenade at 2 bullet proof vests.

Kasalukuyang inaalam pa ng binuong SITG ang motibo sa pamamaril at pagkakakilanlan ng mastermind sa kaso.

Tiwala ang PNP PRO 7 na mareresolba nila ang pagpatay kay Degamo sa mga susunod na linggo.

Si Degamo ay nagsilbing gobernador ng Negros Oriental mula Enero 5, 2011 pero natalo sa nakaraang May 2022 elections.

Gayunpaman, napawalang-bisa ang proklamasyon ng kanyang karibal at kinatigan ng Korte Suprema ang pagkapanalo niya bilang gobernador matapos na pumabor sa kanya ang mga boto na nakuha ng isang nuisance candidate.

Lumitaw rin sa imbestigasyon na bago pa isinagawa ang pamamaslang ay inihayag ni Gov. Degamo sa mga awtoridad na nakatanggap siya ng mga pagbabanta sa kanyang buhay. (JESSE KABEL RUIZ)

407

Related posts

Leave a Comment