Mga kakumpetensya pinahuhuli EX-COMELEC OFFICIAL, GABINETE NI BBM NASA LIKOD NG POGO RAID

KUMPETISYON sa negosyo ang tunay na motibo sa likod ng pagsalakay sa POGO hub sa Las Piñas City noong isang linggo kung saan may mga nasugatan umanong dayuhan.

Sa impormasyong nakalap ng SAKSI Ngayon, ayaw ng isang dating mataas na opisyal ng Comelec, isang gabinete ng Marcos administration at business partner ng mga ito na nagngangalang “Robert” na maapektuhan ang kanilang POGO operations kaya nila pinahuli ang kanilang mga kakumpetensya.

Ayon pa sa impormante, ang POGO operations ng mga nabanggit ay matatagpuan sa isang gusali sa Shaw Blvd., Mandaluyong City.

Mayroon din umanong operasyon ang mga ito sa Pasay at Calamba, Laguna.

“Ang ginagawa nila ay i-raid at isara ang other legitimate operators para lumipat sa kanila ‘yung both employees and bettors in the guise of human trafficking,” pagbubunyag pa ng impormante.

“Lahat ng POGO ay meron nang illegal activities dahil sa higpit ng kompetisyon at hindi mag-survive kung “legit” lang ang operations mo,” dagdag pa nito.

Matatandaang naharap sa kontrobersiya ang Philippine National Police (PNP) matapos salakayin noong Lunes ng gabi (June 26) ang isang POGO hub sa Las Piñas City.

Kasama umano sa nasamsam ng pulisya ang hindi pa mabilang na multi-milyon pisong pera at mga dokumento ng mga Chinese POGO employees.

Maging ang pera, alahas, cellular phone at mahahalagang gamit ng mga empleyado ay kinumpiska rin ng pulisya.

“Hindi totoong rescue kasi wala silang kalayaan są loob,” sabi ng isang ginang na ang asawang Pinoy ay kabilang sa hindi pinapalabas ng pulisya. Ilang araw na aniya silang nagrereklamo dahil wala silang pagkain, walang tubig, walang kuryente at de numero ang kanilang kilos at galaw.

Samantala, hiniling ng pamunuan ng Xianchuang Network Technology Inc. na sana’y maging patas ang PNP sa isinasagawa nilang imbestigasyon.

Sa kanilang sulat na ipinadala kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr, sinabi ni Atty. Christian Vargas ng Vargas Law Office na mahigit 72 oras nang hawak ng mga awtoridad ang mga biktima.

Nabigo aniya ang pulisya na magsampa ng anomang kaso na malinaw na paglabag sa karapatan ng mga biktima at maituturing na arbitrary detention.

Nakatanggap din sila ng ulat na walong foreign nationals ang inabuso at sinaktan ng mga awtoridad.

Tatlo sa mga ito ay Chinese nationals na nagtamo ng major injuries.

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

283

Related posts

Leave a Comment