ISINUSULONG ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang panukalang naglalayong gawing bahagi ng curriculum sa elementarya hanggang high school ang responsableng paggamit ng internet.
Sa Senate Bill 2934 o ang proposed Internet Safety Education Act, minamandato ang Department of Education na bumuo ng age-appropriate at research-based na programa. Para sa edukasyon ng mga mag-aaral ukol sa ligtas, ethical at responsableng paggamit ng internet at ukol din sa pagtugon sa mga problema at panganib sa internet.
Pinapopondohan naman ang professional training ng mga elementary at secondary teachers gayundin ang school administrators ukol sa internet safety at new media literacy.
Inaatasan din ang DepEd na gumawa ng programa para mapaturuan din ang mga magulang ukol sa paggabay sa mga anak sa paggamit ng internet.
Sinabi ni Estrada na inihain niya ang panukala kasunod ng report ng UNICEF noong 2017 na nagsasaad na isa sa bawat tatlong gumagamit ng internet sa buong mundo ay bata.
Lantad anya ang mga ito sa cyberbullying, online sexual abuse, exploitation, fake news at internet addiction. (Dang Samson-Garcia)
