MGA NAGSAKRIPISYO PARA SA BAYAN KINILALA

KINILALA kahapon ang mga beteranong Pilipino na nakipaglaban para sa kalayaan, kasarinlan at kapayapaan ng bansa.

Kasama si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., binigyang pagkilala ng Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP), ang mga beterano sa paggunita ng ika-82 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan.

“Magsilbi nawang inspirasyon ang kanilang kagitingan sa pagkakaisa ng sambayanan at sa pagtugon sa mga hamon ng panahon, tungo sa mapayapa, matatag, at maunlad na Bagong Pilipinas,” bahagi ng pananalita ni DND Secretary Gilberto Teodoro Jr.

Nanawagan naman si AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. sa publiko na magnilay-nilay, hindi lamang sa mga naging sakripisyo sa nakaraan kundi maging sa mas pagpapatibay pa sa commitment ng bansa sa pagtataguyod sa prinsipyo ng demokrasya, kapayapaan, at kalayaan para sa ating bayan.

Ipinag-utos naman ni Pangulong Marcos na repasuhin ng kaukulang mga ahensya ng pamahalaan ang umiiral na mga benepisyo ng mga sundalong nagkaroon ng permanent disability dahil sa kanilang trabaho.

Sa talumpati ng Pangulo sa Mt. Samat sa Bataan, sinabi nito na dapat masuklian nang tama ang tapang at sakripisyo ng mga sundalo.

Sa nasabing pagtitipon, inihayag din ni Pangulong Marcos, na nararapat lamang tiyakin ang kaligtasan ng mga sundalo sa pamamagitan ng pagbili ng mga tamang kagamitan.

Kaugnay nito, inatasan din ni Pangulong Marcos ang DND at AFP na suriin at magsumite ng report sa kanya hinggil sa kasalukuyang imbentaryo ng mga kagamitan at supply ng militar
Tiniyak naman ni PNP chief, PGen. Rommel Francisco Marbil na mananatiling matatag ang buong hanay ng mga pulis kasabay ng pangakong pagprotekta sa karapatan at kapakanan ng bawat Pilipino nang hindi nakalilimutan ang naging mga sakripisyo ng ating mga bayani para sa kinabukasan ng ating bansa.

Kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng Araw ng Kagitingan, dating tinatawag na “Fall of Bataan”, ipinagdiriwang din ang Philippine Veterans Week 2024 na nagbibigay-pugay sa mga bayaning Filipino veterans na matapang na nakipaglaban noong panahon ng World War II.

Kaugnay nito, 16 na natatanging mga Pinoy na nag-alay ng kanilang buhay noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig ang ginawaran ng parangal ng Department of National Defense at Philippine Veterans Affairs Office.

Sa pangunguna nina Philippine Veterans Affairs Office Administrator USec. Reynaldo Mapagu, at Defense Undersecretary for Civil, Veterans, at Reserve Affairs Pablo Lorenzo, ginawaran ang mga ito ng United States Congressional Gold Cross Medal na ipinagkakaloob naman sa mga natatanging indibidwal na malaki ang naiambag sa kasaysayan, kultura, at siyensya sa Amerika.

Samantala, pito sa WW2 Filipino veterans ang nabubuhay pa habang ang siyam naman na iba pa na pawang mga sumakabilang buhay na ay binigyan ng Posthumous Awards.

(JESSE KABEL RUIZ)

58

Related posts

Leave a Comment