MMCA HINDI SHOW OF FORCE – AFP

ITO ang naging tugon ng Department of National Defense hinggil sa katatapos na Multilateral Maritime Cooperative Activity sa West Philippine Sea kasama ang mga bansang Japan, Australia, at Estados Unidos.

Ipinagkibit-balikat na lamang ng DND at maging ng Armed Forces of the Philippines ang mga panibagong alegasyong ng China laban sa ating bansa matapos ang ginawang joint maritime activities sa West Philippine Sea.

Ito rin ang naging tugon ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa kasunod ng mga panibagong pag-aakusa ng China na paglabag umano sa Code of Conduct of Parties ang naturang aktibidad na sumasagasa umano sa kanilang karapatan at soberanya sa naturang lugar na nasa loob naman ng exclusive economic zone ng Pilipinas na pilit na kinakamkam ng nasabing bansa.

Giit ni DND Spokesperson, Dir. Arsenio Andolong, hindi show of force ang ginawang aktibidad ng ating bansa kasama ang iba pang mga bansa sa naturang pinag-aagawang teritoryo.

Mariing inihayag ni Dir. Andolong na walang masama sa isinagawang aktibidad ng Pilipinas kasama ang iba pang mga kaalyansa nating bansa sa naturang lugar sapagkat ito naman aniya ay alinsunod pa rin sa kung ano ang nakasaad sa International Law.

Ani Arsenio, ito’y nagpapakita lamang ng pagkakaisa at normal lamang aniyang ginagawa ito ng lahat ng mga sibilisadong bansa sa buong mundo ngunit bahala na ang China sa kung ano ang magiging interpretasyon nila rito.

Samantala, gayunpaman ay naniniwala pa rin ang opisyal na ang importante ay ginagawa ng ating bansa ang ganitong uri ng mga aktibidad sa ngalan pa rin ng pambansang interest ng ating bansa na layuning mas palakasin pa ang kakayahan at kapabilidad ng kasundaluhan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba pang mga kaalyado nating mga bansa.

Dito ay ginamit ng naturang mga bansa ang kanilang mga sasakyang pandagat at panghimpapawid na kinabibilangan ng BRP Gregorio Del Pilar (PS15), AW109 helicopter, BRP Antonio Luna (FF151), AW159 Wildcat ASW helicopter, at BRP Valentin Diaz (PS177) mula sa Philippine Navy; ang USS Mobile at P-8A Poseidon ng United States Navy; ang Royal Australian Navy HMAS Warramunga at Royal Australian Air Force P-8A Poseidon Maritime Patrol Aircraft; gayundin ang JS Akebono mula sa Japan Maritime Self-Defense Forces.

Kabilang sa mga isinagawa ng mga ito sa naturang MMCA ay ang communication exercise, division tactics o Officer of the Watch maneuver, at photo exercise na pawang idinesenyo para mas paigtingin pa ang abilidad ng naturang mga bansa na magtrabaho at magtulungan ng magkasama sa mga operasyong may kinalaman sa maritime scenarios.

(JESSE KABEL RUIZ)

63

Related posts

Leave a Comment