OBRERO PROTEKTAHAN SA HEAT STRESS – REP. NOGRALES

KINALAMPAG ni House committee on labor and employment Chairman at Rizal 4th District Representative Fidel Nograles ang mga employer na sundin ang inilabas na advisory ng Department of Labor and Employment (DOLE) para protektahan ang mga manggagawa laban sa heat stress na dulot ng matinding El Niño phenomenon.

Ayon kay Nograles, mahalagang sundin ng mga kumpanya ang mga hakbang na inilatag ng DOLE para sa kapakanan ng mga empleyado ngayong matindi ang init na nararanasan sa bansa.

Kabilang sa tinukoy ni Nograles ang pagbabawas sa pagkabilad sa araw ng mga manggagawa, pagkakaroon ng sapat na ventilation at heat insulation sa workplaces, adjustments sa pahinga at lugar ng trabaho, pagkakaroon ng sapat na personal protective equipment (PPE) laban sa init at access sa hydration tulad ng inuming tubig.

Sinang-ayunan din ni Nograles ang rekomendasyon ng DOLE na magsagawa ang mga kompanya ng information campaigns para matulungan ang mga empleyado na agad matugunan ang mararanasan nilang sintomas ng heat stress.

“Prevention is better than cure” kaya mas praktikal na tutukan ang occupational safety kaysa tumugon sa epekto ng kapabayaan, na maaaring magdulot ng productivity loss, aksidente, at posibleng kaso dahil sa paglabag sa batas,” pahayag ni Nograles.

(JOEL O. AMONGO)

112

Related posts

Leave a Comment