NAG-ALOK NG PROJECT SA CONTRACTOR, 8 FAKE DBM OFFICIALS TIMBOG

BINITBIT ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang walong indibidwal na umano’y nagpanggap na konektado sa Department of Budget and Management (DBM), at nag-alok ng proyekto sa isang contractor, sa ikinasang entrapment operation sa Mandaluyong City.

Base sa ulat ng NBI, nagpakilala umano ang isa sa mga suspek bilang undersecretary ng DBM at may hawak na special project.

Ayon sa complainant na isang contractor, nangako umano ang suspek na makapagbibigay ito ng isang project sa halagang P1.3 billion sa ipatatayong isang dam.

Tiniyak umano ng suspek sa complainant na maia-award ang proyekto sa contractor ngunit kailangan nitong magbigay muna ng pampadulas o “grease money” para sa “Blue Print” ng proyekto.

Dahil dito, nagsagawa ng inisyal na beripikasyon ang contractor sa DBM at napag-alaman nito na walang opisyal ang ahensya sa ganoong pangalan.

Bukod dito, wala rin umano sa kanilang records ang proyektong binabanggit ng suspek.

Bunsod nito, agad na nakipagtulungan ang DBM sa NBI upang magsagawa sa entrapment operation at nadakip ang mga suspek sa isang restaurant sa Mandaluyong City, matapos tanggapin ang marked money na nagkakahalaga ng P500,000.

(RENE CRISOSTOMO)

37

Related posts

Leave a Comment