NAG-APPLY NG POLICE CLEARANCE, DINAMPOT

CAVITE – Imbes na police clearance, warrant of arrest ang natanggap ng isang lalaki mula sa istasyon ng pulisya sa Imus City noong Biyernes ng umaga.

Agad dinakma ng mga awtoridad ang suspek na si alyas “Jerick”, ng Brgy. Pasong Camachile 2, Gen. Trias City, Cavite.

Ayon sa ulat, nagtungo ang suspek sa isang Satellite Hub sa Imus City Police Station dakong alas-10:00 ng umaga upang mag-apply para sa police clearance na gagamitin niya sa kanyang papasukang trabaho.

Gayunman, nang lumabas mula sa National Police Clearance System ang pangalan ng suspek ay nakitang mayroong itong nakasampang kasong paglabag sa BP 22 (An act penalizing the making or drawing and issuance of a check without sufficient funds and for other purpose).

Ipinabasa rin sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Marisa Marquez Buenaguia, ng National Capital Region, Metropolitan Trial Court, Branch 80, Parañaque City.

Makalalaya naman ang suspek kung maglalagak ito ng P6,000 halaga ng piyansa.

(SIGFRED ADSUARA)

25

Related posts

Leave a Comment