Nag-utos ng ambush kontra gov’t troops CPP-NPA KINONDENA NG AFP-NOLCOM

MARIING kinondena ng Northern Luzon Command ang naging huling direktiba ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army sa kanilang pwersa na magsagawa ng pananambang at agawin ang mga armas ng mga tropa ng pamahalaan.

Ayos kay NOLCOM Commander, Lt. General Fernyl Buca, ang nasabing kautusan ay inilabas mismo ng CPP Chief Information Officer na si Marco Valbuena, kasabay ng kanilang ika-55 anibersaryo ng pagkakatatag.

Ayon kay Gen. Buca, patunay lamang ito na si Valbuena ay bahagi ng kilusang komunista, kaugnay na rin sa kanilang ipinakalat na balak na magsagawa ng mga taktikal na opensiba dito sa Pilipinas.

Inihayag umano ni CPP Spokesman Valbuena, dapat isagawa ng New People’s Army (NPA) ang lahat ng posibleng uri ng taktikal na opensiba na gumagamit ng lahat ng mga uri ng armas “mula sa mga bato, machete, booby traps, rifles, land mines at lahat ng uri ng mga armas na kayang gawin ng mga tao.”

Sinabi pa ni Valbuena, inutusan ang NPA na tambangan ang mga reconnaissance unit ng tropa ng gobyerno, perimeter defense o supply lines at salakayin ang kanilang mga nakahiwalay na outpost.

“Sa gitna ng ating mga pagsisikap upang makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa ating bayan, ang ganitong uri ng mga hakbang mula sa CPP at ang kanilang armadong grupong NPA ay nagdudulot lamang ng karagdagang kaguluhan at pagkabahala sa ating mga kababayan,” ani General Buca.

Iginiit rin ni Lt. Gen. Buca, malinaw itong paglabag sa International Humanitarian Law. Nananatili pa ring banta sa seguridad ang naturang mga teroristang grupo kaya dapat lamang na ito ay maneyutralisa.

Tiniyak naman ng NOLCOM na determinado ang mga tropa ng pamahalaan na mapulbos ang nalalabing pwersa ng CPP-NPA sa bansa para na sa kaligtasan at seguridad ng bawat mamamayang Pilipino.

(JESSE KABEL RUIZ)

54

Related posts

Leave a Comment