NAGPA-LAUNDRY PINAGHINTAY, NANAKSAK

TAGAYTAY CITY – Tinarakan sa hita ang isang 19-anyos na laundry helper ng isang customer nang magalit ang huli matapos umanong paghintayin ng biktima sa pinalalabhang damit sa lungsod na ito noong Miyerkoles ng gabi.

Nasa maayos nang kalagayan matapos isugod sa ospital ng Tagaytay ang biktimang si Ryan Paulo De Leon y De Justo, laundry helper, ng Brgy. Delas Alas, Pasong Saging A, General Mariano Alvarez (GMA), Cavite

Naaresto naman ang suspek na si Armando Raagas Jr. y Gabule, 48, driver, ng Area G, GMA, Cavite, habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.

Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Darwin Jamie ng Tagaytay City Police, alas-6:40 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Basement Area ng Summit Ridge Hotel sa Brgy. Maharlika West, Tagaytay City, habang kinukuha ng suspek ang pinalabhang mga damit ngunit sinabihan umano ng biktima na magpahinga muna sandali habang naghihintay.

Hindi umano nagustuhan ng suspek ang sinabi ng biktima kaya nagalit ito at walang sabi-sabing sinaksak sa kanang hita si De Leon saka mabilis na tumakas.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. (SIGFRED ADSUARA)

243

Related posts

Leave a Comment