APAYAO – Natagpuang walang buhay sa loob ng isang septic tank ang 4-anyos na batang babae na iniulat na nawawala sa bayan ng Pudtol sa lalawigang ito.
Ayon sa report ng Pudtol Police, Martes ng gabi nang madiskubre ang katawan ng biktima sa loob ng septic tank sa Barangay Mataguisi .
Natagpuan ito matapos mapansin ng naghahanap na mga residente ang kakaibang amoy na nanggagaling sa septic tank na ginagamit para sa sanitation purposes sa lugar.
Nasa ‘early state of decomposition’ na ito nang matagpuan na walang anomang saplot sa katawan kaya hinihinalang ginahasa ito bago pinaslang at saka inihulog sa septic tank.
Ayon sa mga kaanak, huling nakitang buhay ang bata noong Linggo habang ito ay naglalaro sa gilid ng highway.
Samantala, sa isinagawang medico legal examination sa biktima, nabatid na may mga sugat ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan at may mga palatandaan na inabusong sekswal.
Patuloy pa ang masusing imbestigasyon ng ng mga awtoridad sa insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
246