WALANG kapangyarihan ang Commission on Elections (Comelec) na magtakda ng bagong petsa para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na unang nakatakdang idaos noong Nobyembre 2 ngunit ipinagpaliban, ayon kay Comelec Chairman George Garcia.
Ginawa ni Garcia ang pahayag matapos maghain si election lawyer Romulo Macalintal ng motion for partial reconsideration sa desisyon ng Supreme Court (SC) na nagpapatibay sa constitutionality ng Republic Act No. 12326.
Sa ilalim ng batas, pinalawig sa limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at itinakda sa Nobyembre 13, 2028 ang susunod na halalan.
Hiniling ni Macalintal sa SC na atasan ang Comelec na isagawa ang BSKE sa pinakamaagang posibleng petsa.
Ayon kay Garcia, kahit muling isaalang-alang ng SC ang desisyon nito, hanggang sa orihinal na araw ng halalan na Nobyembre 20 lamang maaaring magtakda ang Comelec ng bagong petsa ng botohan.
Sinabi rin ni Garcia na nasa safekeeping ang mga election paraphernalia na inihanda para sa ipinagpalibang halalan noong Nobyembre 2 at maaari pa ring gamitin sa susunod na BSKE.
Samantala, umabot na sa humigit-kumulang 80,000 ang nagparehistro bilang botante sa unang dalawang araw ng voter registration ngayong Nobyembre.
Mas mataas umano ito kumpara sa bilang ng mga nagparehistro sa unang dalawang araw ng nakaraang voter registration period.
Target ng Comelec na makapagtala ng humigit-kumulang tatlong milyong bagong botante bago matapos ang registration period sa Hulyo 30, 2027.
Gayunman, naniniwala si Garcia na posibleng malampasan ang target dahil sa kasalukuyang bilis ng pagpaparehistro.
(JOCELYN DOMENDEN)
173 