JUDGE PATAY SA PAMAMARIL SA ZAMBOANGA CITY

PATAY ang isang judge ng Regional Trial Court sa Basilan makaraang pagbabarilin habang lulan ng kanyang sasakyan.

Ayon sa ulat ng Zamboanga Police Station, sakay si Regional Trial Court (RTC) Branch 2 Presiding Judge Joseph M. Wee Sit sa kanyang sasakyan nang pagbabarilin dakong alas-5:25 nitong Huwebes ng umaga sa Tumaga-Putik Road, Barangay Tumaga, Zamboanga City.

Kaagad namang nagresponde ang Zamboanga City Police Station 7 matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen.

Bumuo na ng Special Investigation Task Group ang Police Regional Office 9 at Zamboanga CPO upang pangasiwaan ang imbestigasyon at matukoy ang mga salarin.

Naka-mobilize na rin ang lahat ng police units sa lungsod para sa agarang pag-aresto sa mga responsable sa insidente.

Samantala, nakikiramay ang Korte Suprema sa pamilya at mga kasamahan ni Judge Wee Sit matapos barilin at mapatay sa Zamboanga City.

Inatasan ni Chief Justice Rodil Zalameda ang Office of the Court Administrator na makipag-ugnayan sa pamilya ng nasawing hukom at tiyaking maibigay ang kinakailangan tulong-pinansyal at iba pa.

Nakikipagtulungan na rin ang Supreme Court Office of the Judiciary Marshals sa mga awtoridad upang imbestigahan ang insidente at matukoy ang mga sangkot sa krimen.

Nagtapos ng abogasya si Wee Sit sa Western Mindanao State University at nakapasa sa Bar Examination noong 2015.

Nagsilbi muna siyang prosecutor at public attorney bago itinalaga sa hudikatura noong Setyembre 23, 2025.

Binigyang-diin ng Korte Suprema na ang pagpatay sa hukom ay paalala sa mga panganib na kinahaharap ng mga mahistrado sa pagtupad sa tungkulin na maghatid ng patas at malayang hustisya.

Hindi umano dapat mangamba ang abogado sa kanilang buhay dahil lamang sa pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin.

(TOTO NABAJA/JULIET PACOT)

32

Related posts

Leave a Comment