NGCP SISINGILIN SA BLACKOUT SA PANAY AT NEGROS

HINDI papayag ang isang mambabatas sa Kamara na hindi mapanagot ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa malawakang blackout sa Panay Island at ilang lugar sa Negros mula noong Enero 2.

Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, malaking perwisyo ang idinulot ng malawakang blackout sa nabanggit na mga probinsya kaya hindi maaaring malibre sa pananagutan ang NGCP.

“The National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) should be held accountable for the island wide blackout in Panay as well as some parts of Negros since January 2,” ayon sa mambabatas.

Kuwarenta porsyento sa NGCP ay pag-aari ng State Grid Corp. of China (SGCC) subalit ayon sa mga report ay Chinese nationals ang nagpapatakbo sa nasabing kumpanya nang isapribado ito noong Enero 2009 o panahon ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon sa mambabatas, isa sa pangunahing dahilan ng pagtutol ng mga ito sa pagsasapribado sa public services tulad ng NGCP, ang ganitong mga palpak na serbisyo subalit garantisado ang kita ng mga negosyante.

“Milyon-milyong mamamayan ng Panay ngayon ang nagdurusa sa init at kawalan ng kuryente dahil hindi na naman ito napaghandaan ng mga power players. Suspendido ang mga klase at bagsak ang negosyo ng marami,” ani Castro, kaya kailangang singilin aniya ang NGCP.

Noong nakaraang taon aniya ay nangyari na ito sa nasabing mga lalawigan kaya nakadidismaya na muli itong naulit na tila walang natutunan ang nasabing kumpanya sa kanilang karanasan.

Hindi rin umano dapat absweltuhin ang More Electric Power Corporation na siyang distributor ng kuryente sa nasabing mga lalawigan sa palpak na serbisyo.

(BERNARD TAGUINOD)

56

Related posts

Leave a Comment