OVERSTAYING NA DAYUHAN, DINAMPOT SA CAVITE

CAVITE – Dinampot ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI)  at Gen. Trias City Police sa bisa ng warrant of deportation, ang isang babaeng dayuhan dahil sa kawalan ng kaukulang papeles sa Gen. Trias City sa lalawigang ito, noong Huwebes ng umaga.

Inaresto ang suspek na kinilalang si Faith Umukoro, 35, isang hairstylist, dahil sa pagiging ‘overstaying’ at paglabag sa Sec. 37 (a) (7) at Immigration Act of 1940 as amended,

Nauna rito, isang ahente ng BI ang nagpanggap na kliyente ni Umukoro na isang hairstylist partikular sa braids na buhok, at nagkasundo na magkikita sila sa KS22, Blk. 11, Lot 10, Patterson St., Lancaster New City, Gen. Trias City, Cavite kung saan ito inaresto ng mga awtoridad.

Umamin ang suspek sa tunay nitong pangalan, gayunman wala itong maipakitang pasaporte at sa bisa ng warrant of deportation ay inaresto dakong alas-8:30 ng umaga.

Kinumpiska ng mga awtoridad mula sa suspek ang ilang dokumento ng kanyang tunay na pagkakakilanlan. (SIGFRED ADSUARA)

35

Related posts

Leave a Comment