P400K CASH NATANGAY SA NAKAW NA CELLPHONE

RIZAL – Umabot sa mahigit P400,000 ang natangay mula sa isang babae makaraang madukot ang kanyang cellphone sa bayan ng Taytay sa lalawigan, nitong Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa 60-anyos na biktimang si Ma. Carina Victoria Bayabo, nakatayo siya sa isang waiting shed sa Ortigas Avenue, Brgy. San Isidro, Taytay, nang may lumapit sa kanyang likuran na isang lalaki.

Ngunit lingid sa kanyang kaalaman ay dinukot nito mula sa kanyang bag ang isang Iphone na P40,000 ang halaga, kung saan naka-log in ang mobile apps para sa online money services.

Agad nitong kinontak ang kanyang bangko para ipasuspende muna ang kanyang online banking subalit nadiskubre na nakapag-transfer na ang suspek ng halagang P113,000 sa kanyang dalawang online banking account.

Nagamit din nito ang kanyang Gcash account at nakahiram ng pera na nasa P4,000.

At nakapag-loan pa ang suspek ng halagang P290,000 gamit naman ang kanyang credit card sa isa pang banko.

Tine-trace na ng mga tauhan ng PNP Anti-Cybercrime Group, ganoon din ng mga miyembro ng Cainta Police, ang identity ng suspek para sa agarang pagdakip dito.

(NILOU DEL CARMEN)

46

Related posts

Leave a Comment