P6-M SHABU NASABAT SA ZAMBO PENAL COLONY

ZAMBOANGA CITY – Tinatayang nasa P6 milyong halaga ng illegal drugs ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy-bust operation sa labas ng gate ng San Ramon Penal Colony sa Zamboanga City noong Martes.

Ayon sa PDEA, isinagawa ang buy-bust operation laban sa person deprived of liberty (PDL) na si Kerwin Mohammad Abdila, 42, isang living out inmate sa nasabing bilangguan. Naaresto rin ang kasama nito na si Albadir Mala Ajijul.

Nakuha mula sa mga ito ang isang kilo ng droga na tinatayang nagkakahalaga ng P6 milyon.

Si Abdila na taga Barangay Upper Calarian, Zamboanga City ay nakulong matapos na maaresto ng mga awtoridad sa Barangay Recodo sa buy-bust operation, tatlong taon na ang nakararaan.

Inamin ng suspek sa PDEA na nakatatanggap siya ng P20,000 na komisyon sa bawat transaksyon ng illegal drugs.

Dinala ang dalawa tanggapan ng PDEA-Zamboanga para sa karagdagang imbestigasyon.

Sinisiyasat din ng PDEA ang mga kontak ng mga suspek sa labas ng penal colony.

(NILOU DEL CARMEN)

35

Related posts

Leave a Comment