P6.8-M DROGA PARA SA CEBU SINULOG FESTIVAL, NASABAT

NAKUMPISKA ng Regional Drug Enforcement Unit – Central Visayas ang tinatayang mahigit sa P6.8 milyong halaga ng ilegal na droga noong Lunes ng gabi, isang araw lamang makalipas ang pagdiriwang ng Sinulog Festival.

Sa isinagawang buy-bust operation, inaresto ang isang alyas “Harold” sa likod ng isang hotel sa Barangay Mabolo, Cebu City.

Nakumpiska mula sa suspek ang ilegal na droga na may timbang na mahigit isang kilo, na nakalagay sa isang maliit na backpack.

Duda ng mga awtoridad, ang illegal drugs ay suplay na dinala sa Cebu dahil sa mga pagdiriwang ng Sinulog.

Napag-alaman na ang suspek na taga-Bacolod City, ay dati nang naaresto sa ilegal na droga.

Pinaghahanap na ng pulisya ang mga sinusuplayan ng suspek at posibleng mga kasabwat nito.

Samantala, inaresto rin ng Cebu City Police Office ang dalawang inakusahan namang mga miyembro ng “Salisi gang” sa Barangay Mabolo.

Dalawang babae ang inireklamo dahil sa umano’y pagnanakaw ng isang smartphone at perang nagkakahalaga ng P27,000.

Natukoy sila ng pulisya sa pamamagitan ng CCTV Footage.

Base sa kanilang identification cards, ang dalawang suspek ay kapwa taga-Metro Manila.

Sinabi rin ng mga awtoridad na noong nakaraang linggo, ang mga suspek naaresto rin sa Bacolod City dahil sa pagnanakaw at nakalaya matapos magpiyansa.

Ayon sa pulisya, lumipat ang mga ito sa Cebu City upang doon naman maghanap ng mga mabibiktima dahil sa rami ng mga bumisita para sa Sinulog Festival.

(NILOU DEL CARMEN)

38

Related posts

Leave a Comment