PAGKAHULOG NG BATA SA HIGH RISE CONDO, PINASISIYASAT

CEBU CITY – Pinaiimbestigahan ng isang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Cebu ang nangyaring pagkahulog at pagkasawi ng isang 4-anyos na bata mula sa ika-27 palapag ng condominium sa Brgy. Lahug sa lalawigan noong Lunes.

Sa isinumiteng resolusyon ni City Councilor Rey Gealon sa Cebu City Council, sinabi nito na dapat suriin ang occupancy permit ng gusali.

Sinabi rin ni Gealon na nais niyang makita kung nakasunod ang condominium sa guidelines na itinakda ng National Building Code of the Philippines.

Iimbitahan ang Office of the Building Official o OBO na magpakita ng kaukulang mga dokumento hinggil sa naging konstruksyon ng condominium.

Nais din niyang suriin ng OBO kung may depekto sa disenyo ng gusali na naging dahilan ng pagkahulog ng bata.

Samantala, sinabi naman ni Cebu City Mayor Mayor Michael Rama, itatalaga niya ang nasabing tanggapan at ang mga awtoridad na gumawa ng mas malalim na imbestigasyon.

Lunes ng umaga nang mahulog ang bata mula sa 27th floor ng condo at bumagsak sa canopy sa 3rd floor.

Naisugod pa ito sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Lumabas sa imbestigasyon, nalingat umano ang ina ng bata na wala sa kuwarto at kumukuha ng kape nang mangyari ang insidente.

Inakala umano ng ina na natutulog lang ang anak kasama ang isa pang kapatid nito subalit pagbalik nito ay wala na ang 4-anyos na bata.

Ipinalalagay na naglakad umano ang bata hanggang sa balcony ng kanilang condo unit at umakyat sa silya at biglang nahulog.

Samantala, sinabi ng pamunuan ng Citrineland Corporation sa isang release statement, na sila man ay nabigla nang malaman ang insidente.

Tiniyak ng ma­nagement ng condo ang suporta at tulong sa pamilya ng biktima.

(NILOU DEL CARMEN)

83

Related posts

Leave a Comment