P936-M ASUKAL NADISKUBRE SA BULACAN

UMABOT sa P936 milyong halaga ng asukal ang nadiskubre sa isang bodega sa inilunsad na joint inspection sa ilang bodega sa Meycauayan, Bulacan.

Matapos na ma-validate ang nakalap na intelligence information ay agad ikinasa ang joint inspection sa tinukoy na mga bodega ng pinagsanib na pwersa mula Bureau of Customs-Manila International Container Port (BOC-MICP), sa pamamagitan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at ng Enforcement and Security Service-Quick Response Team (ESS-QRT), katuwang ang  Armed Forces of the Philippine-Intelligence Service Armed Forces of the Philippines (ISAFP), Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), at National Intelligence and Security Force (NISF), sa ilang bodega ng asukal sa Meycauayan, Bulacan noong Huwebes.

Siyam na Letter of Authority at Mission Orders ang inilabas ng BOC Commissioner laban sa mga may-ari, kinatawan, o sino mang may hawak ng mga imported na kalakal na nakaimbak sa mga bodega.

Natagpuan sa inspeksyon ang 11,717 sako ng local sugar na may sari-saring brand at 50,182 sako ng Mithr Phol Pure Refined Sugar mula sa Thailand sa isang bodega sa B3L5 Kendex Drive, Polyland Industrial Subdivision; at 60,876 sako ng imported na asukal na may sari-saring brand mula sa Thailand sa Edison Lee Mktg Dazo Compound.

Isa pang 1,860 sako ng Mithr Phol Pure Refined Sugar mula sa Thailand ang natagpuan sa Olympia Street, Sterling Industrial Park; habang 62,734 ng lokal na asukal na may iba’t ibang tatak, gayundin ang mga kagamitan sa kusina at GM na produkto, ang  natagpuan sa Copper Street, Muralla Industrial Park.

Tinatayang nasa P936 milyon ang mga kalakal na natagpuan sa mga bodega na imbakan ng mga asukal.

Ang mga kinatawan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ay hindi sumali sa pagpapatupad ng mga LOA ngunit naroroon sila sa panahon ng imbentaryo upang matukoy kung ang mga lokal na nakaimpake na asukal ay talagang lokal na ginawa dahil ang mga mapanirang ulat ay nagsasaad na ang nasabing smuggled na asukal ay nire-repack upang maging lokal.

Ang mga may-ari o kinatawan ng bodega ay binigyan ng 15 araw upang ipakita ang kinakailangang mga dokumento bilang patunay na ang mga kalakal ay legal na na-import sa bansa. Patuloy na binabantayan ng team ang nasabing mga bodega habang nakabinbin ang pagsusumite ng mga dokumento.

Ayon kay Commissioner Yogi Filemon Ruiz; “We have to be on our toes 24 hours 7 days a week. You will see that our teams have been operating round the clock, even on weekends. This shows the determination of this administration in making accountable the groups that could be helping this sugar crisis blow out of proportion.”

Sinabi pa ni Comm. Ruiz na ang operasyon ay bahagi ng marching order sa Bureau of Customs ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang siyasatin ang mga bodega na sinasabing nag-iimbak ng asukal sa gitna ng krisis sa suplay ng asukal sa bansa. (JESSE KABEL)

225

Related posts

Leave a Comment