PAGHAHANDA NG LTO AT PNP SA REGION 4A SA UNDAS

PUSPUSAN ang paghahanda ng CALABARZON PNP katuwang ang Land Transportation Office (LTO) – Region 4A sa inaasahang pagdagsa ng mga bakasyunista na magtutungo sa kani-kanilang probinsya at babagtas sa mga pangunahing lansangan sa Southern Tagalog.

Layunin nito na panatilihing ligtas ang mga lansangan sa darating na Undas.

Isa sa mga paghahanda na ginagawa ng mga awtoridad ang pinaigting na motor vehicle road worthiness inspection o ang pagtiyak na nararapat bumiyahe ang isang sasakyan sa kalsada, lalo na ang mga pampublikong transportasyon tulad ng mga bus at jitney.

Sa Laguna, nitong Lunes ay nag-inspection na ang mga tauhan ng LTO sa kahabaan ng Laguna national highway mula sa Los Baños hanggang Pagsanjan at iba pang bayan sa eastern part ng lalawigan.

Ayon sa LTO Laguna, nais nilang siguruhing plantsado na ang lahat bago pa man dumagsa ang mga motorista na inaasahan ngayong Biyernes o Sabado hanggang Linggo at Lunes at sa uwian sa Martes.

Sa Lucena City, Quezon province, nitong Martes nasa 82 namang tauhan ng Quezon PNP mula sa 41 bayan ang binigyang awtoridad ng LTO bilang kanilang mga katulong sa pagpapatupad ng batas trapiko sa lansangan.

Ayon kay LTO Region 4A Assistant Regional Director April Casabuena, inaasahan nila na ang mga deputized PNP personnel ay makatutuwang nila sa road monitoring sa kanilang inihahandang “task group biyaheng ligtas” ngayong Oplan Undas 2022.

Ayon pa rito, magtatalaga ng dalawang LTO deputized  personnel sa bawat bayan sa lalawigan ng Quezon. (NILOU DEL CARMEN)

13

Related posts

Leave a Comment