PAGHAWAK NG VLOGGER SA TARSIER BINATIKOS NG NETIZENS

INIIMBESTIGAHAN ng Department of Environment and Natural Resources (DENR SOCCSKSARGEN) ang viral video ng paggambala at paghawak sa mga tarsier ng isang vlogger at kasama nito sa Polomolok, South Cotabato.

Nabatid na dinagsa ng batikos mula sa mga netizen lalo na ang animal lovers, ang post ng vlogger na si Farm Boy.

Tinanggal na ang video sa Facebook page ng vlogger pero hindi pa rin maawat ang online reactions simula nang i-post ito noong Lunes, Abril 8.

Sa nasabing video, kinuha ng dalawang kalalakihan ang dalawang tarsier at inutusan ng vlogger na mag-smile sa camera.

Pangamba ng mga netizen, maaaring ma-stress ang sensitive na mga hayop sa ginawang paghawak sa kanila habang natutulog na magdudulot ng kanilang pagkamatay.

Kilala ring mga nocturnal animal o tulog sa umaga at gising sa gabi ang mga tarsier.

Nanawagan din ang netizens sa DENR na panagutin sa batas ang vlogger sa pagdisturbo sa mga tarsier alinsunod sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Samantala, nakumpirma ng DENR SOCCSKSARGEN na pinalaya at ibinalik na sa kagubatan ang mga tarsier.

Itinuturing na isa sa mga nanganganib o endangered species sa ating bansa ang Philippine tarsier at may mababang survival rate kapag kinuha ito sa kanilang natural na habitat.

Bukod sa Bohol, matatagpuan din ang mga tarsier sa Mindanao gaya ng bayan ng Polomolok at Tupi sa South Cotabato.

(NILOU DEL CARMEN)

75

Related posts

Leave a Comment