PAGSASANIB NG 3 BIG ENERGY COMPANIES ‘GINUGULO’ NG P4P

INAASAHAN na magdudulot ng mas malinis at sustainable na enerhiya sa bansa ang pagsasanib-pwersa ng tatlong malalaking kumpanya na may kinalaman sa kuryente ngunit binubulabog ito ng isang grupo.

Kamakailan, inanunsyo ang pagsasanib-pwersa ng Meralco PowerGen Corporation (MGen), Aboitiz Power Corporation (AP) at San Miguel Global Power Holdings Corp. (SMGP), ang tatlong pinakamalalaking kumpanya pagdating sa sektor ng enerhiya para sa integrated liquefied natural gas (LNG) facility sa Batangas.

Napag-alaman na target ng pagtutulong-tulong ng tatlong bigating kumpanya sa bansa na pag-ibayuhin ang mga programa tungo sa mas malinis at sustainable na enerhiya sa mga susunod pang taon – isa sa mga pangunahing kinakampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Marami ang naniniwala na ang pagsasama-sama ng Meralco, San Miguel, at Aboitiz ay magiging daan sa pagbaba ng singil sa kuryente.

“Laging maganda ang nagiging resulta ng samahan ng MVP Group at San Miguel. Halimbawa ang mundo ng basketball, dahil sa pagtatambalan ng dalawang kumpanya, nakuha ng Gilas Pilipinas ang gintong medalya sa Asian Games na naging mailap sa bansa sa loob ng 61 taon. Lalo na kung samahan pa sila ng grupo ng Aboitiz na kilala rin sa mga negosyo nitong nakakapagbigay ng trabaho, tiyak na wagi ang publiko,” ayon sa isang observer.

Ang ipinagtataka ng ilan, hindi pa man nag-uumpisa ang tinaguriang “landmark deal” na ito, may mga batikos na agad. Partikular na tinukoy ay inaakusahang nagpapanggap na consumer group na People for Power Coalition (P4P) na wala umanong ginawa kundi puro pamumuna.

Sa obserbasyon ng ilan, hindi na bago ang mga puna ng P4P sa mga kumpanya sa energy sector.

Sa katunayan anila, halos parati nilang binabatikos ang gobyerno at Meralco na animo’y ito lamang ang totoong trabaho nila.

Binanggit pa nila na puro panggugulo sa publiko ang ipinapakita ng koalisyon na paulit-ulit na pinipilit sirain ang tingin ng publiko sa gobyerno at sa piling organisasyon na hindi nila kaalyado.

Tila ginagamit din umano ang emosyon ng publiko sa mga bayarin upang kumuha ng simpatiya sa mga tao at mas mapansin ang kanilang grupo.

“Ano ba talaga ang silbi ng P4P? May nagawa na ba sila para pababain ang presyo ng kuryente o kahit ng mga bilihin? Wala. Ang tanging nagagawa lamang nila ay bumanat nang bumanat sa gobyerno at sa mga target nitong kumpanya na nagbibigay-serbisyo sa mga Pilipino,” banggit pa ng observer.

Pinagdududahan na may ibang adyenda ang P4P sa patuloy nilang pagsira sa mga kumpanya ng enerhiya.

Dahil dito, ipinasisilip na rin sa gobyerno ang P4P sa pangunguna ng kanilang convenor na si Gerry Arances.

Kasabay nito, hiniling ng ilan na kastiguhin ang mga ganitong grupo upang mas maging responsable sa kanilang mga inihahayag sa publiko lalo pa’t maaari nitong mapaniwala sa maling paliwanag ang mga tao.

Ang ipinagtataka pa kung bakit umano puro sentro sa Maynila ang batikos nina Arances at P4P at hindi nila inuusisa ang ginagawa ng iba pang distribution utilities at electric cooperatives.

Napag-alaman na ‘di hamak na mas palpak ang serbisyo ng ibang DUs at ECs sa iba pang panig ng Pilipinas.

Anila kung talagang “power for people” ang grupo, bakit hindi nila kasama ang pang lugar sa Pilipinas.

Isa umano sa isinusulong ng P4P ang renewable energy na kung titingnan sa mababaw na lebel, maganda ang adhikain nito subalit kung susuriing mabuti ay hindi naiintindihan ni Arances at kanyang grupo na hindi maaaring madaliin ang paglipat nito.

Mahaba pa ang lalakbayin ng Pilipinas para makamit ang tuluyang paggamit ng malinis na enerhiya at isa sa mahalagang hakbangin ay pagtutulungan ng gobyerno, pribadong grupo, at ng publiko.

(JOEL O. AMONGO)

42

Related posts

Leave a Comment