PCG, PDEA SANIB-PWERSA KONTRA PAGPASOK NG DROGA

INIHAYAG ng Philippine Coast Guard (PCG) noong Linggo na nakipagtulungan ito sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para palakasin ang depensa ng bansa laban sa pagpasok ng ilegal na droga sa malawak nitong baybayin.

Nilagdaan nina PCG Commandant Adm. Ronnie Gil Gavan at PDEA Director General Undersecretary Moro Virgilio Lazo ang memorandum of agreement (MOA) sa Quezon City noong Abril 12.

Sa ilalim ng kasunduan, ang dalawang ahensya ay magtutulungan kaugnay ng pagbabawal sa mga ilegal na droga at controlled precursors and essential chemicals (CPECs) na ipinuslit, dinala at inilipat sa teritoryo ng Pilipinas.

Bilang karagdagan, ang PDEA ay magtatatag ng isang komprehensibong plano sa pagkolekta ng impormasyon upang makakuha ng mga detalye sa mga aktibidad ng ilegal na droga mula sa mga pinagmumulan sa lahat ng antas, at dapat manguna sa pagsisiyasat sa narcotics at pagsasagawa ng mga operasyon laban sa droga, habang ang PCG ay tutulong sa PDEA sa pangangalap, pangongolekta, pagproseso, at pagsusuri ng impormasyon upang maiwasan ang pagpasok ng ilegal na droga sa mga baybayin.

Ang kasunduan ay nagbigay-daan din sa deputization ng mga tauhan ng PDEA upang sila ay makasama sa PCG sa mga enforcement inspection ng merchant ships at vessels sa loob ng saklaw ng legal na awtoridad nito.

Natuklasan ng mga awtoridad na maraming drug shipment ang ipinapasok sa bansa sa pamamagitan ng 36,289 kilometrong baybayin ng Pilipinas.

Noong nakaraang buwan, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na nasubaybayan ang hinihinalang drug syndicate mula South America na ginagamit ang Pilipinas bilang transshipment point para sa smuggled illegal drugs.

Ilang drug shipments ang nadiskubre ng mga awtoridad na lumulutang sa karagatang sakop ng bansa noong mga nakaraang taon, ang pinakahuli ay noong Marso 8 kung saan 20 bricks ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P111.8 milyon, ang nasamsam sa Arteche, Eastern Samar.

(JOCELYN DOMENDEN)

47

Related posts

Leave a Comment