PINAS GINIGIPIT NG KUWAIT SA KASO NG PINASLANG NA OFW?

SA gitna ng bagong polisiyang nagbabawal sa pagpasok ng mga Pinoy sa Kuwait, nanindigan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na walang plano ang gobyerno iurong ang kaso ng overseas Filipino worker na pinaslang sa naturang bansa.

Partikular na tinukoy ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo dela Vega ang pagpatay kay Jullebee Ranara na pinaslang ng anak ng among pinagtatrabahuhan sa Kuwait noong Enero ng kasalukuyang taon.

Ani dela Vega sa pagdinig ng House Committee on Migrant Workers, ang gusot na dulot ng desisyon ng Kuwait na tablahin ang pagpasok ng mga bagong OFW sa kanilang bansa ay hindi sapat na batayan para talikuran ang paghahanap ng hustisya ng Pilipinas sa pinaslang na Pinay.

Katunayan aniya, lumipad na patungo sa bansang Kuwait ang isang team kasama si Overseas Workers Welfare Administration chief Arnel Ignacio para makipag-ugnayan sa pamahalaan ng bansang Kuwait hinggil sa inilabas na polisiya kamakailan.

“Of course non-negotiable,…. there should be justice for Jullebee Ranara,” ani dela Vega.

Samantala, tinumbasan na rin ng Department of Migrant Workers (DMW) ang deklarasyon ng Kuwait – suspendido ang deployment ng mga OFW sa naturang bansa.

Bukod kay Ranara, kabilang rin sa pakay ng OWWA chief sa Kuwait ang tiyakin ang kaligtasan ng iba pang namamasukang Pinoy na tumakas sa kanilang abusadong amo, matapos tablahin ng Kuwaiti government ang hiling na ‘shelter’ (pansamantalang panuluyan) para sa mga inabusong OFWs sa naturang bansa.

Una nang pinaratangan ng Kuwaiti government ang mga OFWs ng paglabag sa labor agreement ng dalawang bansa.

Samantala, pinagtibay  na sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 7718 na naglalayong ipasok sa kategorya ng mas mabigat na asunto ang illegal recruitment na isinasagawa ng dalawang tao.

Sa ilalim ng umiiral na batas, tatlo o higit pang magkasabwat ang batayan ng piskalya para sampahan ng mas mataas na antas ng kasong illegal recruitment ang mga akusado.

“We see this proposed law as an added protection for our hardworking OFWs and an effort to strengthen further our efforts in deterring illegal recruitment and giving justice to OFWs who fall prey to illegal recruitment,” ani House Speaker Martin Romualdez. (BERNARD TAGUINOD)

190

Related posts

Leave a Comment