PULIS SA MISSING BEAUTY QUEEN SINIBAK NA

SINIBAK na bilang pulis si Police Major Allan de Castro, ang pangunahing suspek sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.

Ito ang inihayag ni PRO 4A chief, Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas sa press briefing sa headquarters ng regional police sa Camp Vicente Lim sa Calamba City, Laguna nitong Huwebes ng umaga.

Sinabi ni General Lucas na naging epektibo ang pagsibak kay De Castro noon pang Enero 16.

“Ngayon, nais kong ipahayag ang pagtanggal kay Police Major Allan de Castro sa serbisyo ng PNP na epektibo noong Enero 16, 2024, na nilagdaan ko, kasunod ng malawakang imbestigasyon na isinagawa ng ating Regional Internal Affairs Service 4A,” sabi ni Lucas.

Ayon kay Lucas, ang pagkakasibak kay De Castro ay dahil sa pagiging “unbecoming of a police officer” nito, na nag-ugat sa pagkakaroon nito ng bawal na extramarital affairs kay Camilon.

May mga nakasampa pa ring mga reklamong kidnapping at serious illegal detention laban kay De Castro, ganoon din sa kanyang driver-bodyguard na si Jeffrey Magpantay, at dalawang John Does, kaugnay ng pagkawala ni Camilon.

Ayon sa CIDG, posibleng patay na umano si Camilon, Bagamat hindi pa ito natatagpuan.

Sinabi ng mga imbestigador na “lumalabas” na siya ay patay na batay sa mga salaysay ng mga saksi.

“We are hoping for the best, but we are expecting the worst. With the flow of our investigation, hindi natin masasabi kung wala talaga,” ayon naman kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 4A Deputy Chief, Police Major Nilo Morallos sa press briefing.

“Pero base sa salaysay ng mga testigo natin, lumalabas na patay na siya,” dagdag niya.

Noong Oktubre 16, nag-post sa social media ang kapatid ni Camilon na si Chin-chin para humingi ng tulong sa mga netizen para mahanap ang kanyang kapatid.

Pagkalipas ng limang araw, opisyal na idineklara si Camilon na “missing person.”

Sinabi ng mga awtoridad na isang matalik na kaibigan ni Camilon ang nakipag-ugnayan kay Chin-Chin at sinabi sa kanya ang umano’y relasyon ng beauty queen at ni De Castro.

Si De Castro umano ang taong pupuntahan sana ni Camilon sa araw ng kanyang pagkawala. Itinanggi naman ito ni De Castro.

Batay sa impormasyong nakarating sa pulisya, si De Castro ang umano’y nagbigay kay Camilon ng sasakyang nakita nang umalis ito sa kanyang bahay.

Base sa CCTV footage na nakunan noong Oktubre 12, nakitang dumaan ang sasakyan ni Camilon sa ilang bayan sa Batangas.

Sinabi ng pulisya na nakitang hindi siya nag-iisa ng araw na ‘yun.

Makalipas ang ilang buwan, lumitaw ang mga saksi at sinabing nakita nilang duguan si Camilon habang inililipat mula sa kanyang sasakyan patungo sa isa pang sasakyan noong Oktubre 12.

Sinabi rin ng mga saksi na nakita nila si Magpantay sa lugar.

Nadiskubre rin ng mga awtoridad ang inabandonang sasakyan na pulang Honda CR-V sa isang bakanteng lote sa Barangay Pallocan sa Batangas City.

Sa isinagawa namang pagsisiyasat ng PNP forensic unit, tumugma sa DNA profile ng mga magulang ni Camilon ang buhok at dugo na nakuha mula sa sasakyan.

Samantala, nakataas pa rin ang reward para sa impormasyon na makapagtuturo ng kinaroroonan ni Camilon, na kasalukuyang nasa halagang P250,000.

Ang nasabing pondo ay nagmula kay Batangas Vice Governor Mark Leviste, sa Presidential Anti-Organized Crime Commission, at sa business sectors ng Batangas.

(NILOU DEL CARMEN)

219

Related posts

Leave a Comment