‘Sinapian ng maligno’ MISIS PATAY SA SAKSAK NG BAYAW

CEBU – Patay ang isang 31-anyos na ginang matapos saksakin ng kanyang bayaw sa hindi malamang dahilan habang nagpapadede sa kanyang sanggol sa kanilang bahay sa Sitio Calugtugan, Barangay Cerdeña, sa bayan ng Malabuyoc sa lalawigan noong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Honeylyn Tamayo ng nabanggit na lugar.

Ayon sa report ng pulisya, dakong alas-7:30 ng umaga, pinapadede ng biktima ang kanyang sanggol nang pumasok ang kanyang bayaw na si Jobert Valera, 53-anyos, at siya ay ilang beses na sinaksak gamit ang kutsilyo.

Agad namatay ang biktima dahil sa anim na tama ng mga saksak sa likod at dibdib.

Narinig ng ilang kapitbahay ang paghingi ng saklolo ng biktima kaya napasugod ang mga kapatid nito.

Ginawa pang pananggalang ng suspek ang 4-anyos na batang anak ng biktima ngunit napigilan ito ng mga kapatid ng ginang at naaresto.

Sa isinagawang imbestigasyon, hindi matukoy ng pulisya ang motibo sa krimen dahil lumalabas na wala naman anomang naging pag-aaway ang dalawa.

Tumangging magsalita ang suspek hinggil sa krimen at kung bakit niya ito nagawa.

Ayon sa mga kapitbahay, tila umano nagbago ang pag-iisip ng suspek mula nang putulin nito ang isang puno sa tabi ng kanyang bahay na pinaniniwalaang pinaninirahan ng ibang nilalang.

Nasa kustodiya na ito ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kasong murder.

(NILOU DEL CARMEN)

47

Related posts

Leave a Comment