REGIONAL WAGE BOARDS ‘DI IPABUBUWAG NG SENADO

NILINAW ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na wala silang planong ipanawagan ang pag-abolish sa mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards sa kabila ng pagsusulong nila ng legislated minimum wage hike bill.

Sinabi ni Zubiri na sa kanilang panukala, ang dagdag na P100 sa minimum wage ang magsisilbi lamang base o paunang batayan para sa mga susunod pang aksyon sa pagdaragdag ng sahod sa mga manggagawa.

Nangangahulugan anya ito na matapos ipatupad ang P100 legislated minimum wage hike ay nasa kamay na ng RTWPB ang mga pagtalakay pa ng mga adjustment sa sahod.

Muling iginiit ni Zubiri na isa sa mga dahilan ng kanilang pagkilos para sa dagdag na sahod ang mabagal na aksyon ng mga RTWPB na tila hindi nararamdaman ang pangangailangan ng mga empleyado sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin.

Matatandaang una nang nanawagan si Zubiri kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahan bilang urgent ang P100 legislated wage hike bill upang agad na itong aprubahan ng Kamara.

Binigyang-diin ng lider ng Senado na panahon na upang bigyan ng kaunting kaginhawaan ang mga manggagawa na patuloy na bumabalikat sa mataas na presyo ng mga produkto at serbisyo.

(DANG SAMSON-GARCIA)

32

Related posts

Leave a Comment