RETIRED SEAMAN BINARIL NG 13-ANYOS NA ANAK, PATAY

BATANGAS – Patay ang isang 48-anyos na dating seaman matapos na barilin ng kanyang 13-anyos na anak na babae sa Barangay Pinagkaisahan, sa bayan ng Cuenca sa lalawigan noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Nonilo Montealto Lunar, natagpuan ng mga kapitbahay na nakahandusay sa loob ng kanilang bahay.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, natuklasan na may isang tama ito ng bala sa likurang bahagi ng kanyang ulo.

Base sa mga testigo, ang 13-anyos na anak nitong estudyanteng babae ang itinuturong may kagagawan sa krimen.

Agad itong inaresto ng pulisya at sa imbestigasyon, inamin nito ang ginawang krimen at kanya umanong ginamit sa pamamaril ang isang kalibre .45 baril na nakasangla sa kanyang tatay.

Ayon sa dalagita, nagawa raw niya ang krimen dahil ilang ulit na raw siyang minomolestiya ng kanyang sariling ama.

Subalit sa pahayag ng ilang kaanak ng biktima, pinasubalian ng mga ito ang sinasabi ng dalagita at ayon sa mga ito, bago ang krimen, palagi na raw nagtatalo ang mag-ama nitong nakaraang mga araw

Napag-alaman na kinagagalitan daw umano ng tatay ang anak dahil sa palaging pagsama nito sa kanyang nobyo na si alyas “Clint”.

Nasa kustodiya pa ng Cuenca Police ang suspek habang nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa DSWD para sa disposisyon sa dalagita.

Isasailalim sa paraffin test ang dalagita gayundin ang nobyo nitong si Clint.

(NILOU DEL CARMEN)

45

Related posts

Leave a Comment