RIDER PATAY, ANGKAS SUGATAN SA TRUCK

CAVITE – Patay ang isang 55-anyos na rider habang sugatan ang angkas nito nang salpukin ng isang Isuzu GMC truck na nag-overtake at umukopa sa kabilang kalsada sa bayan ng Silang noong Linggo ng hapon. 

Sa pinangyarihan ng insidente ay nalagutan ng hininga ang biktimang si Sonny Boy Enriquez Ramos, isang construction worker, habang isungod sa Qualimed Hospital ang angkas nito na si Cindy Deprosa Ramos, 47-anyos.

Tinangkang tumakas subalit naaresto sa kalaunan ang driver ng Isuzu GMC truck na may plakang NDH 3750, na si Randy Arzuela Magistrada, 48-anyos.

Ayon sa ulat ni PSSg. Emerson Busto ng Silang Police Station, dakong alas-4:39 ng hapon nang mangyari ang insidente.

Kapwa binabagtas ng dalawang sasakyan ang kahabaan ng Alcalde Road sakop ng Brgy. Ichican, Silang, Cavite. Ang driver ng motorsiklo ay patungo sa Brgy. Ichican galing Brgy. Tibig, habang sa opposite direction naman ang driver ng Isuzu GMC.

Ngunit pagsapit sa pinangyarihan ng insidente, nag-overtake ang driver ng Isuzu GMC kaya nasakop nito ang linya ng motorsiklo naging dahilan ng salpukan. (SIGFRED ADSUARA)

92

Related posts

Leave a Comment