RIVER DREDGING ISASAGAWA KONTRA BAHA SA BULACAN

SISIMULAN ngayong buwan ng Mayo ang pagpapatupad ng river dredging and restoration program sa pangunguna ni Governor Daniel Fernando, upang kontrolin ang suliranin sa pagbaha at panumbalikin ang mga ilog sa lalawigan ng Bulacan.

Ito ang ibinahagi ng gobernador matapos isagawa ang briefing hinggil sa pagpapatupad ng province-wide flood control and river restoration program na dinaluhan ng mga kongresista sa bawat distrito, mga alkalde, konsehal ng bayan at mga kapitan ng barangay, sa Edsa Shangrila Hotel sa Ortigas Center, Mandaluyong City nitong Lunes, Abril 29.

Naroon din si Bise Gob. Alex Castro at ang buong pwersa ng Sangguniang Panlalawigan para suportahan ang proyekto na siyang nakikitang kongkreto at pangmatagalang solusyon sa dekada nang problema sa pagbaha sa Bulacan.

Ito ay tugon sa panawagan ng pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Administrative Order 2020-07, para sa pagpapanumbalik ng natural na estado at daloy ng tubig sa heavily silted na mga daluyan ng ilog.

Ayon kay Fernando, upang mapanumbalik ang maayos at malinis na daloy ng tubig sa mga ilog, ang mga heavily silted na kailugan sa lalawigan partikular ang Angat River, Pamarawan River, Malolos River, Hagonoy River, at Guiguinto River, ay kakailanganin nito ang malawakang paghuhukay upang magbukas ng navigational channel sa offshore delta.

“The plan is to initially dredge the mouth of the river to enable us to enter smaller inland waters throughout the province. Environmental dredging combined with management of flood water movement, through the construction of floodwalls and floodgates will be the key to solve the decades-old flooding problem in the province,” aniya.

Kakatuwangin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa naturang proyekto ang Torejas Construction Supply Corporation (TCSC) na siyang sasagot sa P500-milyon pondong gugugulin para sa nasabing programa.

Sa panayam kay Engr. Bernie Pacheco, Vice President for Mining and Dredging ng TCSC Corp., sinabi nito na aabot sa 282.02 milyong cubic meters na putik, burak at buhangin na may mga nakaipit na mga basurang hindi nabubulok, ang target na maialis sa mga kailugan ng Angat, Pamarawan, Malolos-Kalero at sa kahabaan ng baybayin ng Bulacan o ang off-shore Delta Bulacan mula sa Obando hanggang sa Calumpit.

Sinabi ni Pacheco, nakapagsagawa na sila ng mga sub-surface soil investigation, geological exploration at geotechnical investigation sa mga kailugan sa Bulacan kasama ang nasabing tatlong prayoridad na ilog.

Taong 2020 nang aprubahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dredging permit at clearances sa Toreja’s Construction Supply Corporation (TCSC) na sinimulan ang operasyon sa nakalipas na apat na taon.

Nakapaglabas na ng inisyal na P200-milyon gastusin ang TCSC bukod pa ang ilalaan ditong P500-milyon, kung saan ay walang ilalabas o gugugulin ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng kahit magkanong halaga.

Ayon kay Gob. Fernando, minarapat ng pamahalaang panlalawigan na tanggapin ang alok ng naturang kumpanya dahil bukod sa malaki ang matitipid ng pamahalaan, magkakaroon pa ng kita ang Kapitolyo mula sa 10% na extraction fee at 5% na environmental monitoring fee. Bukod pa rito ang 4% na national excise tax na ibabayad sa pamahalaang nasyonal.

(ELOISA SILVERIO)

57

Related posts

Leave a Comment